Inamin ni Senator-elect Raffy Tulfo na may mga kasamahan na ito sa Senado na lumalapit sa kanya at nagpapahiwatig ng interes sa pinakamatataas na posisyon sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
“May mga nakipag-usap sa akin at sinabi sa akin ‘yong kanilang magiging programa once sila ay naging Senate president pero wala namang nagkuwento sa akin na ‘hey, dito sa akin, kumampi ka sa akin,’” ani Tulfo sa panayam sa ANC matapos ang proklamasyon.
Ilan umano sa tumawag sa kanya ay sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri gayundin sina Senadora Cynthia Villar at si Senadora Imee Marcos na gusto makuha ang posisyon ng Senate president pro tempore.
Ibinuking din ni Tulfo na kinukonsidera rin umano ni Senator-elect Francis Escudero na tumakbo sa pagkapinuno ng Senado.
Ani Tulfo, tinawagan niya si Escudero at tinanong kung may plano ba siyang pamunuan ang Senado.
“Kagabi kinausap ko si Chiz Escudero, tinanong ko siya kung meron na rin ba siyang balak, sabi niya pinag-iisipan niya,” sabi pa ni Tulfo. (Dindo Matining)