WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Villanueva inalerto publiko sa ayuda text scam

Nanawagan si Sen. Joel ‘TESDAMAN’ Villanueva sa mga awtoridad na pigilan ang mga text scammer na nagsasamantala sa pamimigay ng gobyerno ng ayudang nakalaan para sa mga apektado ng pagtaas ng langis at bilihin.

“Parang epidemic itong surge ng mga text scams, may panibagong wave. Ngayon naman, sinasakyan nila ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno,” sabi ni Villanueva.

Sinabi ng senador na hinihikayat ng mga text message na kontakin ang laman nitong numero o email address para sa umano’y pagkuha ng ayuda gaya ng senior pension, Bayanihan allowance, tax refunds, at iba pa.

“Parang “dog whistle” para sa mga cyber criminal ang P20 billion na ayuda. Malaking temptation sa kanila yan,” sabi niya.

Sa ngayon, mungkahi ng senador na maaring gamitin ang natio­nal SMS alert system para magpadala ng mga “anti-budol message” para protektahan ang publiko.

Sinabi ng senador na maaring gamiting panlaban sa “imminent danger to the public” ang mga alert system na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act.

“May mga masasamang tao sa paligid na nagsasamantala sa paghihirap ng iba,” sabi niya.

Dati nang nanawagan si Villanueva ng aksiyon mula sa gobyerno dahil sa pagtaas ng dami ng text scams noong Nobyembre, na siya namang tinugunan ng 10 ahensya para pigilan ang mga naturang scam. (Dindo Matining)