ASINTA ni Tots Carlos na makakuha ng unang kampeonato sa isang major volleyball league at bilang isang professional player kasama ang Creamline Cool Smashers.
Sa pangunguna ni Carlos, nakasampa ang Cool Smashers sa finals ng 2022 Premier Volleyball League Open Conference, ika-anim na finals appearance ng koponan sa torneo.
Ayon sa former UP Fighting Maroons star player, bukod sa pagresbak mula sa silver medal finish ng Creamline noong 2021 PVL Open Conference, “motivated ako kasi if we get this championship, this will be my first championship as a pro.”
“Actually, sa kahit anong malaking liga na sinalihan ko ever,” dugtong pa ni Carlos na bumomba ng 23 puntos sa Game 2 semifinals ng torneo kontra sa Choco Mucho Flying Titans.
Huling nakatikim ng kampeonato si Tots sa isang prestihiyosong liga noong 2018 sa PSL Collegiate Grand Slam.
“Very excited ako and sobrang motivated ako kasi sila coach grabe ‘yung tiwala sa akin. Sila Ate Ly [Valdez], sobrang tinutulungan talaga nila kami,” ani Carlos.
Magsisimula ang best-of-three finals series ng Open Conference sa Miyerkoles. (Janiel Abby Toralba)