WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Sabi-sabi

Dahil kung totoo pa ang kasabihang ‘ang naniniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili’ hindi sana ganito karami ang naniniwala sa fake news at disimpormasyon. Hindi sana ganito kalawak ang nararating ng sabi-sabi. Hindi ganito karami ang nagshe-share sa social media. Dahil sa panahon ngayon, mukhang hindi na epektibo ang kasabihan tungkol sa ‘sabi-sabi’.

Noong bata akong hindi pa laganap ang internet at gadget, laging paalala ng aking nanay sa aming magkakapatid na hindi dapat basta naniniwala lalo kung ang narinig na impormasyon ay hindi mapagkakatiwalaan, kung ‘sabi-sabi’ lang, kung tsismis lang.

Naging mapanuri ako sa natatanggap na balita. Ilang ulit kong kinokompirma kung kanino galing, sino ang nagsabi, may katibayan ba. Nagamit ko ito nang maging mananaliksik ako sa unibersidad. Kailangan sa mga gaya naming propesor ang hindi maniwala sa ‘sabi-sabi’ lalo ngayong kay bilis kumalat ng balita at impormasyon.

Lalo ngayong madaling magpanggap na lehitimo ang source dahil sa manipulasyon ng video o larawan. Lalo ngayong panahon ng eleksyon na gagawin ng maraming kandidato at mga tagasuporta ang maruming uri ng kampanya manalo lang.

Hindi katulad noong panahong hindi pa laganap ang teknolohiya, noong panahong mabagal ang pagkalat ng balita—narinig sa kuwentuhan, nabalitaan, sinabi ng isang kaibigan—ngayon, napakadali. Isang share lang ang katapat ng kung sinong naniwala sa nakita, kakalat na. Mas dadami ang maniniwala lalo kung kaibigan o kakilala o sikat na personalidad ang nagpasimuno ng pagpapalaganap.

May batas namang umiiral, cyber-libel, o iyong uri ng libelo na ipinakalat sa internet o cyberspace ang nakasisirang balita. Pero sa dami ng kumakalat na sabi-sabi, kadalasan, nauuwi lang ang lahat sa bilin na huwag paniwalaan ang balita. Kung mayroon mang nadedemanda, lalo kung ang personalidad na damay sa isyu ay may kakayahang magdemanda, ang kadalasang katuwiran ay may ibang gumamit sa gadget o kaya ay na-hack ang account. Magpapalusot huwag lamang makulong dahil sa pagpapalaganap ng sabi-sabi.

Kakatwa ang salitang ‘sabi-sabi’. Akto ng pagsasalita ng isang tao ang salitang-ugat na ‘sabi’. Pero pansinin ang maraming konotasyon. Walang gaanong implikasyon ang salitang ‘sinabi’. Literal. Sinabi ko, pwede mong sabihin sa iba lalo’t narinig mo mismong sinabi ko. Pero kung hindi na kompirmado ang impormasyon, nagiging sabi-sabi na ang balita. Pero maaari ring gamitin ang kataga bilang isang tao na ‘walang sinabi’. ‘Walang sinabi’ ang kandidatong iyan dahil sangkot lagi sa katiwalian at kontrobersiya. O kaya ay ‘walang sinabi’ dahil napatunayang mahina.

Ginagamit din ang salitang ‘kasabihan’ bilang mga pahayag na kapupulutan ng aral. Kasabihan ng matatanda dati ang ‘ang naniniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili’ na hindi na nga halos pinaniniwalaan ngayon. Gayunman, magandang alalahanin bilang paghahambing kung paanong ang ‘sabi-sabi’ ay sinasadyang gawin para madaling paniwalaan. Para madaling manlinlang o magpakalat ng kamangmangan.

Parang ang hirap nang tanungin kung may bait pa ba tayong natitira para sa sarili, dahil kung mayroon pa, bakit paparami nang paparami ang naniniwala sa sabi-sabi, madalas kahit alam nilang sabi-sabi?

***A

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on