WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
METRO

2 kidnaper ng sundalo nasakote sa Marikina

Nalaglag na sa kamay ng batas ang dalawang hinihinalang kidnaper na umano’y dumukot at nagkulong sa isang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) may dalawang taon na ang nakararaan matapos ang isinagawang operasyon ng Marikina City police noong Miyerkoles.

Ayon kay Philippine Air Force (PAF) spokesperson Col. Maynard Mariano, naaresto ang mga suspek na sina Marvin Baratteng, alyas Kano, 40, residente ng Bagong Silang St. Barangay Nangka; at Erica Albano, 28, ng Barangay Tuamana, pawang ng nasabing lungsod, sa isinagawang operasyon ng Task Force Greyhound na pinamunuan ni Police Col. Benliner Capili, hepe ng Marikina City PNP.

Dinakip ang mga ito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Marikina City Regional Trial Court para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagdukot sa biktimang si Technical Master Sgt. Reofil Alvarez, miyembro ng PAF noong 2020.

Nasagip si Alvarez ng mga tauhan ng Marikina City PNP kalaunan kaya nakapaghain ito ng mga kaso at nakapagpalabas ng arrest warrant ang korte laban sa mga suspek.

Ikinatuwa naman ng PAF ang development sa kaso ng kanilang tauhan at umaasa silang makakamit ni Alvarez ang katarungan dahil sa ginawa sa kanya ng mga suspek. (Edwin Balasa)