WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Debate

Pakikipaglaban talaga ang nasa ubod ng salitang ‘debate’. Hindi lang ito basta pakikipagtalo gamit ang salita, boses, tindig, talino para manalo. Sa kilala natin ngayong salitang ‘debate’, binibigyan ng pagkakataong magsalita, mangatwiran, at sumagot sa mga tanong ang magkakatunggali.

Sa pormal na debate, may mga nagtatanong buhat sa mga tagapanood o sa mga inanyayahang awtoridad na hindi kabilang sa debate, pero madalas, lalo’t panahon ng kampanya, bawat kandidato ay maaari ring magtanong sa bawat isa.

Magandang gawing sukatan ng kaalaman ang debate ng mga kandidato. Lalo sa mga tanong na tunay na magpapalabas sa talino ng nagnanais mamuno. Dahil alam naman natin, kailangan ng talino kung mamumuno ka sa isang lugar o bansa. Hindi lang puro kabutihan o, sa lagay marahil ng ibang pulitiko, pagpapanggap na mabuti silang tao.

Bilang propesor, saksi ako sa maraming debate. Mula sa loob ng silid-aralan hanggang sa iyong nagnanais mamunong mag-aaral sa buong kampus. May mga debate rin sa pagitan naming mga guro. Kailangan namin ito upang mataya ang kakayahan ng bawat isa hindi lamang hinggil sa pamumuno kung hindi maging sa tindig sa isang kritikal na usapin.

Natututo ang marami sa debate. Natututo ang mga kalahok. Pinaghahandaan ang sasabihin. Nagbabasa, nagsasaliksik, nag-aaral. Tumatalino. Gayundin, natututo ang tagapanood. Nakikilala nila ang mga nangangatwiran. Natataya ang halaga ng sinasabi. Kaya nga sa panahon ng halalan, mahalaga ang debate para sa mga nagnanais mamuno. Pero ganito pa nga ba ang nangyayari sa atin?

Sa lokal na antas, bihira na ang mga pagtitipon para makilatis ang talino ng mamumuno. Nagkakasya na lamang tayo sa kung ano ang nakasulat sa tarpolin, sa ipinamimigay na sticker o polyeto, o sa mga kalendaryong taglay ang kanilang pagmumukhang niretoke ng aplikasyon sa kompyuter.

Naglipana rin ang mga pulitikong ang tanging pinanghahawakan para manalo ay kanilang apelyido at kayamanan ng kanilang lahi. Mas madali nga namang magpaganda o magpapogi, o gamitin ang kanilang magulang para magwagi.

Ang malungkot, dahil sa kawalan ng pagpipilian (ang totoo maraming mabubuti’t magagaling, wala nga lang perang gagastahin sa kampanya, dahil nakasanayan na ang paggasta nang malaki para iboto), pare-parehong lahi o pagkatao ang kumakandidato sa eleksyon, natural sila-sila din ang mananalo. Kaya naman parang kayamanang ipinapamana ang posisyon sa kanilang mga anak, kapatid, asawa. Pansinin ninyo sa inyong lugar, hindi ba’t paulit-ulit na apelyido ang tumatakbo?

Kaya hindi nakapagtatakang pakaunti na nang pakaunti ang debate para malaman kung sinong kandidato ang may talas. Ang debate na ang etimolohiya ay buhat sa dalawang salitang Latin na ‘dis’ at ‘battere’ na ang literal na kahulugan ay maglaban. Bakit pa nga naman magdedebate? Nasa puwesto na ang ama o asawa kaya ipapasa na lang ang posisyon sa kanilang kabiyak, anak, o kung sinong kamag-anak.

Gandahan na lang ang disenyo ng kalendaryo, punuin ng poster at tarpolin ang paligid, mamigay ng grocery o bigas. Kumanta, sumayaw. Eh, ano kung walang alam? Kapag nasa posisyon na, madali nang kumuha ng mga tauhan. Wala nang pagdedebatehan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on