WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Cusi, 11 DOE exec `binitbit’ sa Ombudsman

Dinala na sa Office of the Ombudsman ang isang resolusyon ng Senado na naglalayong sampahan ng mga kasong administratibo at kriminal si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi at 11 iba pang opisyal nito kaugnay ng pag-apruba sa pagbenta ng majority stake ng Malampaya gas field.

Mismong si Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate committee on energy, ang nagdala ng resolusyon sa Ombudsman kasama ang kanyang mga abogado.

Sa plenary session noong Miyerkoles, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pagpabor sa paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman at Civil Service Commission (CSC) laban kay Cusi at iba pang opisyal ng DOE.

Ito’y kaugnay ng pag-apruba sa Chevron Philippines-UC Malampaya deal na salungat umano sa batas at regulasyon.

Sa pagsasampa ng kaso, ayon kay Gathalian, mabibigyan sina Cusi at iba pang opisyal ng DOE na pagkakataon na depensahan ang kanilang sarili sa tamang lugar.

Sa naunang privilege speech ni Gatchalian, inakusahan niya si Cusi at iba pang opisyal ng DOE ng pagiging “criminally and administratively liable for graft, gross neglect of duty, and grave misconduct” dahil sa agarang pag-apruba sa pagbenta ng interes ng Chevron sa Malampaya gas field.

Sabi ni Gatchalian, lumabag sa batas ang mga opisyal ng DOE para aprubahan nila ang pagbenta ng 45 porsiyentong participating interest ng Malampaya gas project ng Chevron Malampaya LLC Philippines na kilalang ngayong UC 38 LLC, sa UC Malampya, isang indirect subsidiary ng Udenna Corporation.

Sa panig naman ng DOE, nanindigan silang “above board” ang pagbenta ng Malampaya sa Udenna. (Dindo Matining)