WebClick Tracer

Wednesday, October 5, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Bagong Pagkakataon

Happy New Year mga kapwa ko mama at papa!

Naging simple lang ang aming pagsalubong sa bagong taon. Kaunting salu-salo kasama ang aking mga kapatid at aming mga anak, bonding at kaunting kwentuhan.

Sana ay naging ligtas at masaya rin ang selebrasyon ninyo kasama ang buong pamilya.

Noong 2021, ginulat tayo ng Delta variant. Naghigpit ulit sa quarantine restrictions, nagsara muli ang mga negosyo, nawalan ng mahal sa buhay ang ilan at muling tumigil ang mundo para sa marami nating kababayan.

Bago matapos ang taon ay isang trahedya ang tumama sa ating mga kababayan dahil sa pananalasa ni bagyong Odette.

Lahat ng trabaho natin sa Senado ay para sa bawat Pilipinong nagsisikap para makabangon muli sa epekto ng pandemya at trahedya.

Kasama ang pagsugpo sa korapsyon at pagbusisi sa mga transaksyong pinapasukan ng gobyerno. Kapag hindi tayo nakialam o nagmantiyag, pwedeng magamit ang pera ng taumbayan sa pansariling interes.

Gaya na lang ng pagsisiwalat natin sa kwestyonableng transaksyon sa pagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation. Sa 2022, patuloy tayong magmamatyag sa mga katulad nitong mga anomalya ng Malampaya.

Nabunyag din ang isa pang racket sa loob ng Bureau of Immigration. Hindi lang pastillas scam na nagpapasok ng illegal aliens sa bansa, kundi nagpapalabas din sila ng mga Pinay na nabiktima ng illegal recruitment.

Ang paglaban natin sa korapsyon at pang-aabuso sa ating mga kababaihan at kabataan ay nagbunga ng pagkakaaresto ng magkapatid na Dargani at pagpapauwi sa mga Pinay na biktima ng trafficking.

Sa kabilang banda, isinusulong natin ang P1,000 buwanang cash subsidy para sa indigent solo parents. Mayroon ding Philhealth coverage at apprenticeship programs sa TESDA para sa solo parents at aming mga anak.

Daanglibo na rin ang naserbisyuhan ng ating Healthy Pinas mobile clinic na nag-iikot sa buong Pilipinas para magbigay ng libreng medical check-up, blood chem, X-ray, ultrasound, ECG, at gamot.

Ang bagong taon ay pag-asa… Na sa kabila ng mabibigat na yugto sa ating buhay ay sisikat muli ang araw para sa isang bagong simula.

Muli, happy new year sa inyong lahat!