Tiniyak ng bagong pangulo at chief executive officer ng Philippine International Trading Corporation (PITC) na ipapatupad ang mga patakaran ng transparency at accountability sa pagbibigay serbisyo sa publiko at partner agencies ng korporasyon.
Siniguro ni Undersecretary Emmie Liza “Doc Molly” Perez-Chiong, na naging pangulo ng PITC noong Nobyembre 11, sa Commission on Audit na ibabalik ng PITC ang hindi nagamit na pondo sa lalong madaling panahon pagkatapos ng kaukulang accounting nito.
“Isinauli ng PITC ang ang malaking bahagi ng mga hindi nagamit na pondo ng dating dating namumuno ng PITC. Kami ang mahigpit na susunod sa mga rekomendasyon ng COA. Nagpapasalamat ako sa COA sa pagtawag ng aming pansin,” wika niya.
Ang PITC ay isang ahensya ng pamahalaan na tumutulong sa mga transaksiyon ng government-to-government, business-to-business, at business-to-consumer sa pamamagitgan ng international trade service tulad ng export, import, customs bonded warehousing, at procurement.
“Ang PITC ay may mahalagang papel upang tulungan ang mga kumpanyang Pilipino na i-export ang kanilang mga produkto, tulungan ang mga ahensya ng gobyerno na bumili ng mga kagamitan at mga banyagang kumpanya na makilala ang kanilang mga produkto at serbisyo sa bansa,” dagdag ni Perez-Chiong na nagtapos sa University of the Philippines UP-Diliman at isang dentista.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, sinabi ni Perez-Chiong na ang PITC ay mas tutugon sa pagtulong sa mga ahensiya ng gobyerno sa pagbili ng kanilang mga kailangan.
Nais din niya na tulungan ang mga Pilipinong kumpanya kabilang ang small and medium enterprises (SME) sa pag-export ng kanilang mga produko sa ibang bansa. (Dolly B. Cabreza)