WebClick Tracer

Wednesday, December 7, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Senior High School financial assistance tiyaking may sapat na pondo

Inihayag ng inyong lingkod sa nagdaang Senate hearing ukol sa panukalang budget ng Department of Education (DepEd) sa taong 2022 ang ating pagkabahala sa pagbaba ng halos siyam na bilyong piso sa pondo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa susunod na taon.

Sa ilalim kasi ng 2021 General Appropriations Act (GAA), 25.2 bilyong piso ang inilaang pondo sa SHS-VP. Kabilang dito ang mahigit 11 bilyong piso sa ilalim ng “Unprogrammed Appropriations” kung saan umabot na sa halos limang bilyong piso ang nailabas ng DepEd noong Setyembre 2021.

Ngunit sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2022, 16.5 na bilyong piso lamang ang nakalaan sa programa. Tinatayang mababawasan ng 33,883 ang mga benepisyaryo ng programa sa susunod na taon kung hindi magbabago ang panukalang pondong ito.

Target ng programang magkaroon ng 1.38 milyong mga benepisyaryo para sa taong 2022. Halos 25 bilyong piso ang kinakailangan dito, o 12.3 bilyong piso kada semestre. Kung magkakaroon ng 24.6 bilyong pisong pondo ang programa, mapopondohan ang ikalawang semestre ng School Year (SY) 2021-2022 at ang unang semestre ng SY 2022-2023.

Sa ilalim ng 2021 budget, may anim na bilyong piso pa ang nakalaan para sa unang semestre ng SY 2021-2022, ngunit kukulangin pa rin ito ng pitong bilyong piso. Kung ang kulang na pondong ito ay pupunan gamit ang 17 bilyong piso para sa taong 2022, mahigit siyam na libong piso na lang ang matitira sa programa at hindi na ito sasapat para pondohan ang isang semestre ng SHS-VP.

Kailangan nating magpadala dito ng malinaw na mensahe sa ating mga pribadong paaralan dahil nahihirapan sila at kung babawasan natin ang pondo ng SHS-VP, hindi maganda ang mensaheng matatanggap ng ating mga pribadong paaralan.

Sa pagkakaroon ng sapat na pondo para sa SHS-VP, makakatulong upang maiwasan ang pagpapatong-patong ng utang ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan, lalo na’t dinanas ng mga ito ang pagkawala ng maraming mga trabaho at pagbaba ng enrollment ngayong panahon ng pandemya.

Ang SHS VP ay isang programang tulong pinansyal sa mga nangangailangan ngunit kwalipikadong mga mag-aaral sa senior high school upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, o kaya sa mga state and local universities and colleges.

Kung matitiyak nating may sapat na pondo itong voucher program para sa senior high school, matitiyak natin ang patuloy na edukasyon ng mga mag-aaral na bahagi ng programa. Matutulungan din natin ang mga pribadong paaralan na siyang katuwang natin sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on