TINANGKANG tumalon sa dagat upang makatakas sa awtoridad ang isang lalaki matapos arestuhin sa isang buy bust operation, hindi naman ito nakaligtas kay kamatayan nang malunod sa dagat sa Bacoor City, Cavite Linggo ng hapon.
Isinugod pa sa St. Dominic Hospital si Dominador Algarme alias “Dodong” ng Brgy Zapote 5, Bacoor City, Cavite subalit idineklarang dead on arrival.
Sa ulat ni PSSgt Edison Fetalcurin, ng Bacoor City Police Station, alas-4:45 kamakalawa ng hapon nang isagawa ang buy bust operation ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bacoor CPS sa Sitio Kanluran, Brgy Zapote 5, ng naturang Lungsod kung saan binitbit ang hinihinalang tulak na sina Ronald Delos Santos, 46; Gelo Lagrata, 31; Limuel Nuera, 40; Anthony Delos Santos, 39; Arman Bradecena, 20; Arlon Bitbit, 26; Jaymar Torrechiba at Oscar Montano, 41.
Pero tinangkang tumakas ni alias Domeng sa pamagitan ng pagtalon sa dagat at lumangoy papalayo. Sinundan siya ng mga operatiba hangang sa magpasaklolo dahil nalulunod ito.
Nasagip siya ng mga awtoridad at dahil wala ng malay ay isinugod sa ospital subalit idineklarang DOA.
Narekober sa nasabing operasyon ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P408,000 at buy bust money. (Gene Adsuara)












