Binuksan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagtanggap ng certificates of candidacy ng mga gustong kumandidato para sa 2022 elections na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng eleksiyon.
Walong araw ang itinakda ng COMELEC para makapaghain ng kandidatura ang lahat ng gustong tumakbo sa darating na halalan kaya naman nakaabang ang sambayanan para malaman kung sino-sino ang mga pulitiko at mga personalidad na gustong magkaroon ng puwesto sa gobyerno.
Isa sa mga binabantayan po ng taongbayan ay ang mga bagong mukha sa pulitika, mga tambalan para sa dalawang pinaka-mataas na posisyon at pagkilatis batay sa karanasan para sa puwestong gustong masungkit pagdating ng araw ng halalan.
Dahil hindi pa lahat nakakapaghain ng kanilang kandidatura, excited ang ating mga kababayan kung sino-sino pa ang sasabak sa darating na eleksyon at ang iba ay idinadaan pa sa pustahan kung ang kanilang napipisil na manok para sa darating na eleksyon ay tatakbo sa inaasam na puwesto.
May ilang araw pa po bago matapos ang itinakdang deadline ng COMELEC na October 8 kaya marami pa ang nag-aabang sa mga sorpresang magiging kaganapan sa susunod na ilang araw.
Katulad po ito ng sorpresang nangyari nitong Sabado ng hapon, October 2,2021 kung saan nagulantang ang buong bansa nang magsumite ng kanyang certificate of candidacy si Senador Bong Go para sa pagka-bise presidente.
Ang alam po ng lahat ay si Pangulong Rodrigo Duterte ang kakandidato sa pagka-pangalawang pangulo dahil tinangggap nito ang nominasyon ng kanyang mga kapartido sa PDP-Laban pero ang kanyang dating Special Assistant pala na ngayon ay senador na ang hahalili sa puwestong una nitong natanguan.
Bago ang paghahain ng certificate of candidacy ay itinutulak ng mga kasama sa administration party si Senador Bong Go para tumakbong presidente ito subalit tinanggihan niya ng makailang beses.
Walang mag-aakala na ang puwesto sa pagka-pangalawang pangulo pala ang gusto ng Senador kaya ito naghain ng kanyang kandidatura.
Kasabay ng sorpresang kaganapang ito sa Sofitel Hotel sa Pasay City kung saan isinusumite ang paghahain ng kandidatura ay ang naging pahayag po ni Pangulong Duterte na magreretiro na ito sa pulitika.
Ikinagulat po ng buong bansa at maging ng ibang bansa ang pahayag na ito ng mahal na Presidente dahil sa pagkakaalam ng marami ay sasabak siya sa pagka-pangalawang pangulo para maipagpatuloy ang mga nasimulang pagbabago sa gobyerno.
Pero sa talumpati po ni Senador Bong Go nitong Sabado, tinanggap niya ang hamon sa pagka-bise presidente para maipagpatuloy ang mga magagandang programa at mga pagbabagong nasimulan ni Pangulong Duterte at sisikaping dagdagan pa ito.
Ang tuloy-tuloy na kampanya sa illegal na droga, korapsiyon at kriminalidad ang magiging prayoridad ni Senador Go sakaling palarin siya sa tatakbuhang puwesto para maproteksiyonan ang kinabukasan at buhay ng mga kabataan.
Tiniyak po ni Senador Go na kung sakaling palarin siya sa darating na eleksiyon ay magiging working Vice President siya para mapagsilbihan ang sambayanan at matulungan ang mga mahihirap na Pilipino at hindi magiging spare tire o reserba lamang .
Mahigpit aniya ang bilin ni Pangulong Duterte sa kanya na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino at mahalin ang kapwa at siguraduhing walang maiiwan.
Kilala po si Senador Go bilang isang masipag, madaling lapitan at matulunging mambabatas, patunay po dito ang pag-iikot niya sa iba’t ibang lugar sa bansa para mag-abot ng tulong sa mga matinding naapektuhan ng sakuna, kalamidad at lalo na ang nararanasan ngayong pandemya.
Hindi po ito nagagawa ng ibang mambabatas na mas abala sa pamumulitika at paghahanap ng butas sa gobyerno sa gitna ng pandemya.
Sinabi po ng Senador na kapag binigyan siya ng pagkakataon at tiwala ng mga botante ngayong darating na eleksyon ay sisikapin niyang maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga Pilipino na nalugmok at matinding naapektuhan matapos mawalan ng hanapbuhay at nagutom dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Binigyang-din po ni Senador Go sa kanyang talumpati ang kalagayan ng mga naghihirap na Pilipino ngayon dahil sa pandemya at para malunasan ito ay kailangang palaguin ang mga oportunidad para sa kabuhayan at maalagaan ang kalam ng tiyan ng bawat mamamayan.
Sinisiguro din po ng Senador ang mabilis na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng kanyang Malasakit Centers na nasa iba’t ibang lugar na sa bansa.
Sa kabuuan, nangako po si Senador Go na kapag pinagkatiwalaan siya ng boto ng mga Pilipino sa 2022 elections ay tututukan niya ang pagbangon ng ekonomiya, dagdag na oportunidad at trabaho para sa mga Pilipino at paglutas sa kagutuman at kahirapan.
Marami pa pong mga kandidatong lulutang sa ibang araw kaya marapat pong kilatising mabuti ang katangian ng mga ito at tingnan kung sinu-sino po ang totoong may tunay na malasakit, pagmamahal at tapat ang pusong maglingkod sa kapwa Pilipino.