Dear Atty. Martin,
Gusto ko sanang kumuha ng life insurance kaso hindi ako pamilyar sa polisiyang angkop sa akin. Noong pumunta ako sa handaan para sa birthday ng aking inaanak, inabisuhan ako ng manginginom kong kaibigan na life insurance agent na siya raw ang bahala sa akin. Gayunpaman, marami akong katanungan na hindi niya masagot ng maayos. Ano po ba dapat ang tignan bago ako magtiwala sa isang insurance agent? – Raymart
Dear Raymart,
Belated Happy Birthday sa iyong inaanak!
Ang insurance agent ay ang propesyonal na kinatawan na nagbebenta ng mga produkto ng isang insurance company kapalit ng komisyon. Sila ang tumutulong sa mga may balak magpa-insure kung ano ang karapat dapat at angkop na insurance na kunin.
Ayon sa Section 307 ng Insurance Code, ang agent ay kailangang lisensyado ng Insurance Commission.
Ang mga katangiang ito ay ilan sa mga dapat mong bantayan at maituturing na red flags sa isang insurance agent:
1. Hindi niya mapaliwanag ng mabuti ang produkto na kaniyang binebenta, at nahihirapan siyang masagot ang iyong mga simpleng katanungan tulad ng kung sino ang pwede maging insured sa produktong iyon.
2. Kung VUL (Variable Universal Life) ang policy na kinukuha mo, at ang agent ay palaging sinasabi na garantisado ang investment mo. Ang investment sa VUL plan ay nakadepende sa stock market at hindi ito garantisado.
3. Ang agent ay pinadeposit sa personal na account niya ang iyong premiums.
4. Ang agent ay hindi nagbibigay ng Official Receipt.
5. Ang insurance company kung saan nag-mula ang insurance agent ay hindi rehistrado sa Insurance Commission.
Ilan lang ito sa mga dapat tignan sa isang agent. Ngunit paalala lang na kailangang ikaw ay maging mapanuri at tiyak sa policy na nakuha at babayaran mo. Sa panahon ngayon, hindi biro ang paglabas ng pera lalo na kung hindi ka sigurado sa pupuntahan at makukuha mo rito.
Muli, maging mapagmatyag at ugaliing magtanong. Maging mapanuri sa mga mensahe at balitang natatanggap.
Si Atty. Martin Loon ay ang President & CEO ng Cocolife, ang pinakamalaking Filipino Life Insurance Company sa Pilipinas.
“Mas mainam na ang nakakasiguro”