Natupad ang kahilingan ng libu-libong Bicolano na magkaroon ng malinis at maasahang supply ng tubig. Apat na water supply systems kasi sa Legazpi City ang magkakasunod na pinasinayaan ng Ako Bicol Party-list kamakailan.
Una rito ang Ako Bicol ang Water System Level II sa Barangay Cagbacong, Legazpi City noong Setyembre 9, 2021. Malaking tulong ito sa barangay na may higit 2,400 residente dahil hindi na sila mahihirapang umigib ng malinis na tubig sa malayong lugar.
Nanguna sa okasyon si Ako Bicol Congressman Alfredo A. Garbin Jr. kasama si Ms. Donna Co bilang kinatawan ng inyong lingkod. Nakibahagi rin sa inagurasyon ang Barangay Council ng Cagbacong kasama si Barangay Captain Genaro Asilo, Justine Jay Bolaños at Engr. Leonardo Gonzales.
Sumunod na pinasinayaan ng Ako Bicol ang water system sa barangay Bariis, Legazpi City. Ang naturang barangay na may higit 2,000 populasyon ay matagal nang nahihirapang makakuha ng malinis na tubig para sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan. Kaya naman labis ang pasasalamat ng mga residente at ng Bariis Barangay Council sa proyektong ito.
Pinasinayaan din nung araw na iyon ang water system sa Barangay Estanza. Malaking tulong ito sa naturang barangay na may higit 5,000 populasyon dahil may maayos at maasahang supply na sila ng malinis na tubig. Nakibahagi sa okasyon ang barangay Council ng Estanza kasama si Barangay Captain Josephine Baloso at Engr. Gonzales.
Nito namang Setyembre 10, 2021, nagkaroon din ng inagurasyon ng Water Supply System Level II sa Sitio Malangka, Barangay Taysan, Legazpi City. Napakalaki ng populasyon ng naturang barangay na umaabot sa 15,000 ngunit may mga lugar tulad ng Sitio Malangka na hirap makakuha ng malinis na tubig. Nakibahagi rin sa inagurasyon ang Taysan Barangay Council at ilang staff ng DPWH.
Ang pagtatayo ng water systems ay isa sa mga pangunahing adbokasiya at prayoridad ng Ako Bicol Party-list na naglalayong makatulong sa libu-libong Bicolano. Batay po kasi sa survey, ikatlong bahagi o mahigit isa’t-kalahating milyon mula sa kabuuang higit limang milyong populasyon ng rehiyon ang umaasa sa tubig balon. Ang malungkot pa, halos 190,000 Bicolano ang walang access sa malinis na inuming tubig.
Kaya naman po pinagsisikapan ng Ako Bicol Party-list na magpatayo ng 200 water supply systems sa buong Kabikulan na inaasahan nating matatapos sa taong 2022. At upang masigurong malinis ang tubig, pinapalagyan po natin ito ng 3-stage filtration. Ang bawat ipinapatayo natin ay binubuo ng walong solar panels at pumps na kayang maglabas ng 10,500 litro kada segundo kaya’t kayang punuin ang tangke sa loob ng tatlo hanggang apat na oras.
Lubos po ang pasasalamat ng inyong lingkod at ng Ako Bicol kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang walang-sawang suporta sa ating proyekto na mabigyan ng malinis na tubig ang ating mga kababayan. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano.