WebClick Tracer

Wednesday, September 28, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
NEWS

Pharmally pinakyaw P10B kontrata sa PS-DBM

Mistulang ginisa ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation sa sariling mantika ang Procurement Service-Department of Budget and Management (DBM) nang pakyawin umano nito ang mga kontrata na umaabot sa P10 bilyon.

Isiniwalat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na matapos makuha ng Pharmally ang unang kontrata nito na nagkakahalaga ng P289 milyon ay namakyaw na umano ito ng kontrata sa PS-DBM.

“Pagkatapos ng unang kontrata na P289 million, pinaikot ang pera at namakyaw pa ng kontrata sa PS-DB na umabot sa P10 billion hanggang ngayong Hunyo 2021,” sabi ni Drilon sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Binanggit pa ng senador na wala rin umanong permit ang Pharmally mula sa Food and Drug Administration (FDA).

“Wala rin silang permit sa FDA, nitong Enero lang nailabas ang permit nila,” ani Drilon.

Ang Pharmally ay pinamumunuan ni Huang Tzu Yen na tumatayong presidente ng kompanya.

Sabi ni Drilon, nakakakagulat din na mabilis nabayaran ang Pharmally matapos pautangin diumano ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang.

“Ito ay nakakagulat na ang bilis silang nabayaran. Ang maliwanag at lumabas sa investigation namin ay pinahiram ni Michael Yang ang Pharmally. Inaamin ni Linconn Ong at Huang na wala silang kakayahan kaya pinahiram sila ni Yang,” ani Drilon.

Gayunman, wala umanong nakikitang pananagutan si Drilon sa pagpapahiram ng pera ni Yang sa Pharmally maliban sa malaking kuwestiyon dito kung bakit nakakuha ng kontrata sa gobyerno samantalang walang sapat na kakayahang pinansiyal ang kompanya.

“Wala siyang pananagutan sa pagpapahiram unless kasama siya sa isang conspiracy to qualify Pharmally to bid kahit walang financial capacity,” ayon kay Drilon.

Ang nasisilip ni Drilon na paglabag sa batas ay ang kawalan diumano ng kakayanang pinansiyal ng Pharmally para pumasok sa isang kontrata sa gobyerno.

“Iyon na ang paglabag sa batas dahil sa batas kailangan mayroong kag financial capacity para gampanan ang obligasyon sa kontrata na ipinasok ninyo. Paano natin sasabihin na may kakayahan ang Pharmally na i-supply iyong P289M face masks kung ang pera lang nila ay P625,000 lamang?” ayon pa kay Drilon. (Dindo Matining)