Hindi dapat mapikon ang mga ahensya ng pamahalaan sa tuwing sisitahin sila ng Commission on Audit (COA) lalo na kaugnay sa paggastos ng kanilang budget dahil trabaho lang ang ginagawa ng ahensiya.
Ayon kay Vice President Leni Robredo, dapat malinaw sa mga ahensiya ng pamahalaan na may proseso at regulasyon na sinusunod ang COA para matiyak na walang korapsyon, plunderer, at hindi naman mahalagang gastusin sa pamahalaan.
“Dito pumapasok `yong trabaho ng COA — para masiguro na tapat at seryosong nasusunod ang mga prosesong ito. Hindi natin dapat minamasama `yong mga report na `to,” ani Robredo.
Sinabi pa ni Robredo na binibigyan naman ng pagkakataon ng COA ang mga ahensiya na sumagot, klaruhin at baguhin at palakasin ang transparency sa kanilang sistema at proseso.
“So when these reports and audits come — we must respond. Kasi we owe it hindi lang sa COA, pero mas importante, sa taumbayan,” sabi ni Robredo.
Kaugnay nito, hinikayat ni Robredo ang mga state auditor na ituloy lang ang kanilang ginagawa.
Matatandaang ang Office of the Vice President ay nakakuha ng pinakamataas na audit rating sa ikatlong sunod na taon noong 2020. (Kiko Cueto)