WebClick Tracer

Chinese todas sa P510M `tsaa-bu’

Isang Chinese national na sangkot sa big-time drug syndicate ang napatay nang kumasa sa puwersa ng Philippie Drug Enforcement Agency (PDEA), Bulacan Provincial Drug Enforcement Unit (PDEG)at Bulacan PNP sa Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa report ni P/Col. Lawrence Cajipe, Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang napatay na suspek na si Wu Zi shen, Chinese national, 50, taga-Barangay Santol, Balagtas at nangangasiwa ng isang warehouse ng droga. Namatay ito noon din dahil sa tama ng bala sa katawan.

Alas-6:00 ng gabi nang naganap ang engkuwentro sa buy-bust operation sa Warehouse No. 3 Grand SG sakop ng Barangay Borol 2nd, Balagtas.

Nakatunog umano si Wu na undercover policeman ang katransaksyon kaya pinaputukan ang awtoridad na nauwi sa engkuwentro sa ikalawang palapag ng opisina ng warehouse na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Isang kasama pa ang nakatakas.

Dito na nadiskubre ang 75 piraso ng Green Tea Bag ng shabu na nasa 75 kilo ang bigat at nagkakahalagang P510 milyon, 2 cellphone, 2 ID ng suspek, buy-bust money at isang Colt 45 pistol na kargado pa ng bala.

Sinabi ni ASec Greg Pimentel, Deputy Director General ng PDEA na miyembo ng National Drug Syndicate ang napatay na Chinese. (Jun Borlongan)