Noong kumuha ako ng insurance at nagbukas ng bank account, naalala ko may pinasagot sa aking application form kung saan kailangan ko maglahad ng aking pribadong impormasyon.
Bilang isang abogado, alam ko ang karapatan ko sa pagbibigay at hindi pagbibigay ng mga pribadong impormasyon sa mga tao at sa iba’t ibang kumpanya.
Pero para sa kaalaman ng lahat, mayroong batas na pumoprotekta sa pribadong impormasyon ng bawat tao na – ang Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173).
Ang layunin ng Data Privacy Act ay protektahan ang pribadong impormasyon ng mga tao laban sa mga tao at kumpanyang nangongolekta ng mga pribadong impormasyon.
Kasama rito ang address, email address, telephone o cellphone number, Tax Identification Number (TIN), Social Security System (SSS) Number at marami pang iba.
Ayon sa batas, ang pagkuha ng mga kumpanya ng pribadong impormasyon ng kanilang customers ay dapat mayroon consent o permiso mula sa kanila. Mapapansin rin sa mga application forms na may bahaging nakalaan para sa Data Privacy.
Dito inilalahad ng mga kumpanya ang layunin nila sa pagkolekta ng impormasyon, kung saan at paano nila ito gagamitin, at kung paano nila ito prinoproseso, alinsunod sa Data Privacy Act.
At kapag pinirmahan ng customer ang bahagi ng application form patungkol sa Data Privacy, nagsisilbi itong patunay ng
kaniyang pagsang-ayon o permiso sa pagkolekta ng kumpanya ng kaniyang impormasyon.
Bukod sa proteksyon na binibigay ng Data Privacy Act sa pribadong impormasyon, pinaparusahan rin nito ang mga tao o kumpanya na lalabag sa karapatang ukol sa pribadong impormasyon. Maaring makulong o pagmultahin ang mga tao o kumpanya na lalabag sa Data Privacy Act.
Ngayon, ang payo ko sa mga may balak kumuha ng insurance, magbukas ng bank account, o kumuha ng iba pang serbisyo mula sa mga tao o kumpanyang kumukuha ng pribadong impormasyon, ay dapat alamin at busisihin nang mabuti ang layunin nila sa pagkolekta ng ating pribadong impormasyon at kung paano nila pinapahalagahan ang pribadong impormasyon ng bawat tao.
Si Atty. Martin Loon ay ang President &CEO ng Cocolife, ang pinakamalaking Filipino Life Insurance Company sa Pilipinas.
“Mas mainam na ang nakakasiguro”
Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay (Atty. Martin Loon), puntahan ang kanyang profile page sa Cocolife website.