WebClick Tracer

Sino ang puwede kumuha ng life insurance?

Ang pagkuha ng Life Insurance ang isa sa mga epektibong paraan para bigyan ng proteksyon ang pamilya ng isang yumaong tao.

Ang benepisyong nakukuha sa Life Insurance ay pwedeng gamitin ng naiwang pamilya bilang pambayad sa pang-araw araw na bayarin, pambayad sa mga utang, pang-aral sa mga anak, at marami pang iba. Sa estado ng buhay ngayon, hindi maipagkakaila ang halaga ng pagkuha ng Life Insurance. Ang tanong lamang ng karamihan: Sino ang puwedeng kumuha ng Life Insurance sa Pilipinas?

LAHAT. Oo, lahat ng Pilipino ay pwede makakuha ng Life Insurance sa Pilipinas. Ngunit, may mga ilang kundisyong kinakailangan ang batas para makakuha ang isang Pilipino ng Life Insurance.

Una, ang aplikante ng Life Insurance ay dapat may kapasidad na pumasok sa isang kontrata. Halimbawa, kailangang hindi menor de edad ang aplikante. Hindi rin siya dapat isang “insane” o “demented” na tao dahil ayon sa batas, ang naturang tao ay walang kapasidad na pumasok sa isang kontrata.

Pangalawa, ang aplikante ay dapat may tinatawag na insurable interest sa isang Life Insurance. Ibig sabihin nito, dapat mayroong insurable interest o pagkalugi na mararanasan ang aplikante sa pagkamatay ng taong prinoproktehan ng Life Insurance. Karaniwan, ang isang aplikante ay may insurable interest sa kanyang sarili, asawa, anak, apo, at mga magulang.

Pangatlo, ang aplikante ay dapat hindi isang public enemy o kalaban ng Pilipinas sa okasyon ng giyera. Sa kasalukuyan, hindi muna importante ang kundisyong ito dahil wala pa namang giyera ang nangyayari sa Pilipinas.

Maraming ang nagpapayo na dapat kumuha ng Life Insurance habang bata pa. Sa katanuyan, kapag mas bata, mas mura ang binabayarang premium. Pero bago kumuha ng Life Insurance, dapat siguraduhin muna ng isang aplikante na pasok siya sa tatlong kundisyong kinakailangan ng batas.

Para sa komento at reaksyon mag-email sa AttyMartinLoon@abante.com.ph

“Mas mainam na ang nakakasiguro”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol kay (Atty. Martin Loon), puntahan ang kanyang profile page sa Cocolife website.

TELETABLOID

Follow Abante News on