WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Pandemya

Nagulat ako nang malamang wala sa mga maaasahan kong diksiyonaryong Filipino ang salitang ‘pandemya’. Ang mayroon ay ang salitang epidemya, salot, pandemonium, at iba pang kauri ng peste at pestilence sa Ingles man o Filipino.

Dahil wala pang bagong diksiyonaryo kaya marahil hindi pa nailalagay ang salitang ‘pandemya’ kahit na alam na alam na natin kung ano ito ngayon; ramdam na ramdam natin lalo kahit pa hindi tayo ang mismong magkasakit.

Habang isinusulat ko ito, ilang kakilala at mga kaibigan ang positibo sa COVID-19. May ilang nalagpasan na ang krisis pero hindi pa tuluyang bumabalik sa dating pamumuhay kahit na magaling na o wala na ang virus sa katawan. May ilang kakilala akong ilang buwan nang walang sakit pero mistulang may sakit pa rin dahil sa salanta ng salot. Nanghihina. Mabagal kumilos. Napakadaling mapagod.

Lagi kong iniisip ang posibleng magiging salanta sa akin kaya naman todo iwas ako sa mga umpukan at mga pangkat ng tao. Kung kailangang makipag-usap, sinisiguro kong matutupad ang protocol: social distancing, face mask, at alkohol. Sabihin nang maselan at takot na takot, eh sa iyon ang totoo.

Binago ng pandemya ang buhay natin. Hindi na ito ang dating nakasanayan. Hindi pa rin tayo dapat masanay at maging kampante. Mataas pa ang bilang ng may kaso. Papataas pa nga. Parang bumabalik tayo sa kalagitnaan ng pananalasa, noong mga bandang Setyembre o Oktubre ng nakaraang taon.

Hindi ko masabing nasa kalagitnaan tayo ng pandemya dahil kapag sinabi ko itong kalagitnaan, ibig sabihin, ilang araw na lamang ay patungo na tayo sa pagtatapos ng trahedyang ito. Pero hindi. Masarap isiping nasa kalagitnaan o kung hindi man ay papatapos na. Pero hindi ito ang nangyayari.

Kung gayong madalas nating nababasa o naririnig ang salitang pandemya, maaaring ang kahulugan nito ay hindi pa natin naihahambing sa isangh kaugnay na salita: epidemya. Ang epidemya ay pagkalat ng sakit sa isang malaking pangkat ng mga tao sa isang partikular na lugar. Sa ibang ahensya, may matematikang dapat makita upang masabing epidemya ang nangyayaring pananalanta.

Bagamat malawak ang epidemya, mayroong higit na kahindik-hindik. Ito nga ang pandemya o ang pananalanta ng sakit sa kabuuan ng mundo. Nagmula ang salitang pandemya sa dalawang salitang Griyego na ‘pan’ at demos’ na ang literal na ibig sabihin ‘kalahatan’ at ‘mga tao.’ O lahat ng tao.

Itong salitang ‘demos’ na ito ang etimolohiya o pinagmulan din ng salitang demokrasya, demograpiya, at demonstrasyon. Wala sa sinaunang salitang pandemya ang sakit o salot kung hindi ang saklaw lamang ng sakit na ito: buong mundo.

Habang isinusulat ko ito, sinasabi ng estadistika ng World Health Organization na mayroon nang mahigit sandaang milyong katao ang tinamaan ng sakit at mayroong kulang-kulang tatlong milyong tao na ang nasawi buhat sa iba’t ibang ng panig ng mundo.

Gusto ko nang bumalik sa dati. Bukod sa bakuna, maiiwasan natin ang pagkalat pa ng salot kung mag-iingat tayo lagi.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes