WebClick Tracer

Tuesday, October 4, 2022

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
ONLINE
RADIO
OPINION

Kailan ba dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas

Kahit mga matatalino, nalilito sa kung nga ano ba ang ipinagdiriwang natin sa tinatawag na “Quincentennial Commemorations in the Philippines” o QCP. Ipinagkasya kasi ang tatlong nangyari noong 1521: Ang tagumpay sa Mactan, ang bahagi ng Pilipinas sa unang pag-ikot sa mundo na isang tagumpay ng agham, at ang pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Kaya ngayon, nalilito ang marami kung bakit raw “ipinagdiriwang” si Magellan, sa samakatuwid, ipinagdiriwang ang ating pagkaalipin sa kolonyalismo.

Kung nanatiling “500 Years of Valor and Victory” ang tema, malamang sa malamang marami ang kumagat sa Quincentennial, pero naging “Victory and Humanity” kaya ngayon, heto pinagdedebatehan.

Natutukan ko kung papaano nabuo ang naratibo ng National Quincentennial Committee (NQC) kaya alam ko na naging maingat sila na hindi dapat lumitaw na ipinagdiriwang ang kolonyalismo. Napakalinaw niyan. Kaya Pilipino ang sentro ng naratibo, ang pakikipagkapwa-tao natin sa mga lupaypay na mga Europeo na dumating dito nang pinakain natin sila. Pero may nagsasabi pa rin, dapat pinatay na ng ating mga ninuno noon palang ang mga ito. Teh, sanay lang sila sa pakikipagkalakalan sa ibang lahi, hindi sila manghuhula, hindi naman nila malalaman ang kaliluhan na mangyayari sa kinabukasan.

At para sa akin, dahil ito ay tungkol sa pakikipagkapwa-tao ng ating mga ninuno, ito ay lunsaran ng mga usapan ukol sa kultura nila.

Totoo namang kinawawa tayo sa ating mahabang kasaysayan pero hindi ba puwedeng hayaan nating umiral ang mga salaysay na hindi naman tayo ang biktima kundi tayo ang nagtagumpay at tayo ang nagbigay? Ayokong tanggapin na lagi tayong talo. Yan ang diwa sa akin ng tema ng QCP na “Victory and Humanity.”

Maging sa pagdiriwang ng Kristiyanismo, ang tuon ay kung papaanong tinanggap natin ang bagong pananampalataya pero naintindihan natin ito sa pananaw natin at pinanatili natin ang diwa nito. Nagpapakita ito ng lakas ng ating kultura, hindi yung sinasabi nating uto-uto ang mga ninuno natin. Ginawa nating Pilipino ang Kristiyanismo.

Ngunit may nagsasabi na ang tagline na “500 Years of Christianity in the Philippines” ay hindi nararapat. Ito ay dahil kung tutuusin naging mababaw ang pagtanggap ng mga taga Cebu sa Katolisismo na tinuro ni Magellan at bumalik rin sila sa anitoismo. Ang Kristiyanisasyon ng Pilipinas ay mangyayari lamang simula 1565 sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legazpi.

E ano ang nangyari noong 1521? Tama ang NQC sa paggigiit na ito ay pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Hindi na siguro pag-aawayan yan. Ano ba ang itinuro ng mga dumating dito noong 1521? Si Kristo. So dumating ba? Oo.

Ang tanong na lang, kalian ito ipagdiriwang sa 2021? Sa unang misa sa Pasko ng Pagkabuhay? E pinag-aawayan nga yan kung saan. Para iwas kontrobersya, pinili na magpokus na lamang sa unang pagbibinyag sa Cebu noong 14 Abril 1521, kung saan may mga “converts.”