WebClick Tracer

Sunday, January 29, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Kabuhayan sa Panahon ng Pandemya

Simula Marso, kabi-kabila na ang mga programa ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo para sa mga kababayan nating apektado ng COVID-19.

Linggo-linggo ang kuwentuhan natin dito tungkol sa iba’t ibang inisyatibong nakalaan hindi lang para sa mga frontliners, pero pati na rin sa mga kababayan nating apektado ang kabuhayan na lalo pang nalugmok sa kahirapan dahil sa kasalukuyang pinagdaraanan ng ating bayan.

Dati na naming adbokasiya ang palakasin ang kabuhayan ng mga nasa laylayan ngunit sa panahon ngayon, lalo pa itong pinag-igting.

May mga programa tayong tulad ng Omasenso sa Kabuhayan na nakatutok sa mga farmers natin, gaya ng grupo sa Pili, Camarines Sur. Patuloy natin silang inaalalayan sa pamamagitan ng mga skills training tulad ng food processing na malaki ang tulong lalo ngayon, bilang tugon sa mga oversupply ng kanilang prutas.

Pero buhat nang nagsimula ang ating kalbaryo sa COVID-19, nalipat ang ating atensyon sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga frontliners. Dito natin ibinuhos ang lahat ng ating pagod at donasyon, pero hindi natin iniiwan ang ating mga kababayang nasa laylayan.

Napakalakas pa rin ng tawag ng pangangailangan ng mga ordinaryong Pilipinong halos isang kahig, isang tuka na nga bago ang pandemya, at ngayo’y lalo pang namimiligro dahil sa kawalan ng kabuhayan na epekto ng malakawang quarantine.

Kaya’t maliban sa iba’t ibang mga proyektong nakatutok sa ating frontliners, mahalaga na ating pagbuhasan ng pansin at ayuda ang mga kababayan nating walang mapagkakitaan.

Lahat man tayo ay pinapayuhang manatili sa ating mga tahanan, maraming Pilipino pa rin ang hindi ito maaring gawin dahil kailangan nilang kumita para sa kanilang pamilya. Pero dahil maraming limitasyon ang iba’t ibang industriya ngayon, paano at saan sila kukuha ng pagkakakitaan?

Kaya kung mapapansin ninyo, ang mga proyekto natin sa Tanggapan ay hindi lamang nakatuon sa pagtulong sa mga frontliners: magkakadugtong ang mga ito. Halimbawa ang ating programang Alternative Personal Protective Equipment (AltPPE).

Para makatulong sa ating mga frontliners, kailangan natin ng sapat na suplay ng PPEs. Dahil isa itong malaking pangangailangan sa buong mundo ngayon, hirap tayong makabili para maipamahagi.

Kaya’t naisip namin: bakit hindi tayo nalang ang gumawa? Naghanap kami ng partners na mga doktor at espesyalista na makapagsisigurado ng kalidad ng ating mga local PPEs, at naghanap tayo ng mga sewing partners mula sa mga komunidad na nangangailangan ng pangkabuhayan.

Sa proyektong AltPPE, hindi lang tayo nakakatulong na maghatid sa iba’t ibang ospital sa bawat sulok ng Pilipinas ng PPEs, kung hindi nakakatulong din tayo magbigay ng kabuhayan sa mga mananahi mula sa Caloocan City, Bulacan, Taytay, at marami pang iba.

Sa Community Mart naman na proyekto natin sa Pasig at Quezon City naman, hindi lang tayo nakakatulong na bigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nating manatili sa bahay. Nabibigyan din natin ng tulong para magpatuloy ang kabuhayan ng ating mga manininda sa palengke, at mga tricycle drivers na siyang naghahatid ng mga panindang binili gamit ang app.

Mayroon din tayong libreng gupit sa ating mga frontliners sa mga ospital, pati na sa mga bukas nating free dorms. Dito, nabibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga barbero at hair stylists na kumita kahit papaano sa paggupit sa tulong ng ating mga donors, habang patuloy nating pinangangalagaan ang ating mga frontliners.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ating mga programa para makatulong sa panahon ng pandemya. Sa pangunguna ni VP Leni, sinisikap nating abutan ng ayuda hindi lang ang mga frontliners, kung hindi pati ang mga Pilipinong lalong naghihikahos ngayon.

Dahil maliban sa pagsugpo sa pandemya at pagbangon ng ating ekonomiya, kailangan natin bigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan na sila mismo ang makalaban sa sakunang dulot ng sakit at kahirapan.

Ang pagtulong natin sa kabuhayan ay pagtulong natin para maproteksyonan ang mga Pilipino lalo na iyong mga nasa pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na bayan.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on