Una sa Balita

2019 nCoV, buwan ng mga puso

0 512

Ilang linggo na rin ang nakalilipas nang binulaga tayo ng balitang paglaganap o ‘outbreak’ ng nakamamatay na ­virus na kilala bilang 2019 ­novel coronavirus o 2019-nCoV acute respiratory disease.

Sa pinakahuling report mula sa Department of Health (DoH), may 284 patients under investigation (PUIs) na sa bansa kaugnay ng naturang sakit as of February 9, 2020.

Sa kabuuang bilang na ito, 240 PUIs ay na-admit sa ospital, 15 ang tumanggi na magpaospital at 24 naman ang na discharge na.

Samantala, ­dalawang pasyente naman na ­binantayan bunsod ng 2019-nCoV ang namatay dahil sa iba pang uri ng karamdaman. Matatandaan na may tatlong ­unang confirmed na kaso ng 2019-nCoV sa ating bansa, lahat sila ay nagkaroon ng pagbiyahe sa Wuhan, China, ang lugar na pinagmulan ng sakit.

Sa totoo lang, marami nang naitalang kaso ng 2019-nCoV sa ibang bahagi ng mundo. Mapalad pa rin tayo at wala pang naitalang “human to ­human” transmission ng naturang sakit sa ating bansa dahil na rin marahil naging agresibo ang gobyerno sa pagpapakalat ng tamang impormasyon at mga kailangang gawin upang makaiwas sa pro­blemang ito.

Aking panawagan sa ating mga kababayan ay manatiling kalmado sa kabila ng ating kinahaharap na krisis pangkalusu­gan bunsod ng 2019 nCoV. Si Presidente Duterte na mismo ang nagsabi na kontrolado naman ng gobyerno ang sitwasyon. Ang mahalaga ay patuloy tayong sumunod sa mga panuntunan at tagubilin ng DoH at iba pang concerned agencies kaugnay ng 2019 nCoV.

Manatili rin tayong maingat at nakabantay sa paligid upang hindi mahawahan ng ano mang sakit at hindi lamang ng 2019 nCoV. Kilala naman tayong mga Pilipino bilang mga taong malinis sa katawan at kapaligiran kaya’t ipagpatuloy natin ang nakagawiang madalas na paghuhugas ng kamay at pagligo araw-araw.

Related Posts

***

Alam niyo ba na ang buwan ng Pebrero ay inilaan sa observance ng “heart month” upang masiguro na ang mga Pilipino ay makaiwas sa sakit sa puso na isa sa mga nagiging dahilan ng kamatayan hindi lamang dito sa bansa ngunit ma­ging sa iba pang bahagi ng mundo.

Bukod sa selebrasyon ng mga magsing-irog ng Valentine’s Day, na siya rin naman may kaugnayan sa ating mga puso, ang heart month ay idinadaos din tuwing Pebrero sa bisa ng Proclamation No. 1096 – Declaring the Month of February of every year as Philippine Heart Month. Ang proklamasyon ay nalagdaan at ­sinimulang maipatupad noong ­taong 1973 sa ilalim ng ­pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa panahong ito ay isinasagawa ang iba’t ibang programa na siyang mapapatatag ng kalusugan ng ating mga puso. Sa pangunguna ng Department of Health at Philippine Heart Association at sa tulong ng Heart Foundation of the Philippines, nagsasagawa ng mga pa­nanaliksik at pag-aaral ang mga eksperto upang lubos na mapangalagaan ang puso. Palagi kong dasal ang mabuting kalagayan at kalusugan ng lahat.

Tayo ay umiwas sa mga pagkaing mataas sa cholesterol at iba pang bagay na magpapataas ng posibilidad na tayo ay magkaroon ng sakit sa puso.

Ating palaganapin ang pagmamahal sa kapwa at sa Diyos sa araw-araw, hindi lamang tuwing sasapit ang buwan ng mga puso.
Maligayang araw ng mga puso sa ating lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More