Una sa Balita

2019 national budget ‘di puwedeng gamitin sa CCTV project ng China sa Pilipinas

0 626

Naihabol sa huling araw ng sesyon ng Senado at ng House of Representatives  (HOR) noong Biyernes ang pag-ratipika ng P3.7 trillion budget ng bansa para sa 2019.

Huli ang pag-apruba at ratipika sa budget bill dahil huli na rin ito naipasa sa Senado ng HOR at kinailangan namin ang maraming panahon para masusing himayin at busisiin ang bawat linya ng budget na pera ng bayan ang gagastusin.

Karaniwang ipinapasa ng Senado at HOR ang budget tuwing Disyembre ng bawat taon upang magamit na ito pagpasok ng Enero. Subalit dahil nga sa kakulangan ng panahon para pag-aralan at pagdebatehan ito, umabot ng Pebrero bago tuluyang magkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Bagama’t naging mahirap ang bicam sa budget, naplantsa rin ang gusot dahil alam nating kailangang maipasa ang budget upang ‘di maantala ang patuloy na paglago ng ekonomiya at paglikha ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.

Ang isang magandang probisyong ipinasok natin sa budget noong kasagsagan ng debate, na in-adopt sa final version ng budget, ay ang pagbabawal na magamit ang pera ng bayan upang pondohan ang mga proyektong kulang sa pag-aaral, lalo pa’t ito’y uutangin sa ibang bansa at maglalagay sa panganib sa seguridad ng bansa.

Nagpapasalamat tayo sa mga kasama nating senador at congressman na nakakita at nakiisa sa ating pangambang makompromiso ang seguridad ng bansa kung basta na lang ipatutupad at popondohan ang mga proyektong tulad ng Safe Philippines na nag­lalayong maglagay ng 12,000 CCTV cameras sa buong Metro Manila at Davao na patatakbuhin at pamamahalaan ng China International Telecommunication Cons­truction Corporation na pag-aari ng bansang Tsina.

Pangalawang good news na nais kong banggitin ay ang pagkakasama sa 2019 budget ng panukala nating pondohan ang mga importanteng naipasang batas na nakaligtaang pondohan, tulad ng P18 bilyon para sa Universal Health Care na magbibigay ng mas magandang PhilHealth benefits sa lahat ng Pilipino, maging ikaw ay regular na PhilHealth contributor o hindi; P10 bilyon sa Coco Levy & Coconut Modernization Law; P10 bilyon sa Rice Tarrification Law; at P30 bilyon para sa Bangsa­moro Organic Law.

Salamat kay Finance chair Senator Loren Legarda sa kanyang suporta, sipag at magaling na pagdepensa ng budget at sa mahusay na pagtimbang sa mga posisyon ng mga senador. Isang malaking kawalan ang napipinto mong paglisan sa Senado sa pagtatapos ng iyong termino. Ang kawalan namin sa Senado ay magiging kapupunan naman sa mga mamamayan ng isang distrito sa Antique.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy