Una sa Balita

2019 budget pipirmahan pagsibat ni Arroyo

0 816

MALAKI ang posibilidad na sa 18th Congress na mapirmahan ang 2019 national budget kapag wala na sa puwesto si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., chairman ng House committee on appropriations.

Lumaki ang posibilidad na ito matapos mabigo ang mga lider ng Senado at Kamara na maayos ang gusot sa 2019 national budget sa miting nila kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ng gabi, Marso 12.

“Sa amin malinaw ang usapan, alisin ang mga dinagdag at ginalaw after ratification, ok na. Kung ayaw nila bagama’t payag si Pangulo, eh next Congress na nga (mapipirmahan),” babala ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Matatapos na ang termino ni Arroyo sa Hunyo 30, 2019 habang si Andaya ay tumatakbo namang gobernador ng Camarines Sur.

Sa nasabing miting, inirekomenda ni Senador Panfilo Lacson na buhayin ang bicameral confe­rence report at ipaubaya na lamang kay Pangulong Duterte ang itemization ng budget, pero tahimik dito ang mga lider ng Kamara.

Reklamo ng mga lider ng Senado, ginalaw nina Arroyo at Andaya ang bicam report upang madagdagan ang kanilang pork barrel fund at kanilang mga kaalyado at mabawasan ang alokasyon sa mga kongresistang hindi sumuporta sa dating Pangulo.

Isinumbong din ni Lacson kay Pangulong Duterte ang ginawang pagkatay ng Kamara sa P72 billion MFO1 at MFO2 (Major Final Output) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang makakaapekto sa Build, Build, Build pro­ject ng gobyerno.

“What was obvious last night is that the suggestion didn’t sit well with the congressmen because they cannot be sure if all their realignments will be adopted. It’s all about their pork, not mindful, if they will be derailing the flagship projects of the government,” patutsada ni Lacson.

Umalma naman si House Majority Leader at Capiz Rep. Fredenil Castro sa paratang ni Lacson na puros pork na lamang ng mga kongresista ang pinoprotektahan ng mga ito.

“Why can’t he not see that itemized items here? These are projects, these are not for the benefit, individual benefits of the congressmen,” diin ni Castro.

Galit din si Senior Deputy Majority Leader at ­Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta sa gina­wang pang-iipit ng Senado sa 2019 national budget.

“Kasi sila raw ‘di nila alam ‘yong nire-realign namin. Hindi naman ganu’n, ba’t kapag kayo (mga senador) hindi ninyo sinasabi, kapag kami nag-realign lang kami, parte ng trabaho namin, bakit nagsasabi kayo na illegal?” himutok ni Marcoleta.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy