Una sa Balita

200 estudyante sa QC nalason sa choco shake

By
0 9

Tinatayang nasa mahigit sa 200 na mga estudyante mula sa Sta. Lucia High School sa Quezon City ang isinugod sa magkakahiwalay na hospital sa nasabing lungsod, matapos na umano’y malason ang mga ito ng kanilang biniling choco shake sa canteen ng kanilang school.

Agad na isinugod at nilapatan ng lunas sa Novaliches District Hospital, Bernardino General Hospital (BGH), at FEU Hospital ang nasabing bilang ng mga estudyante na umano’y halos sunud-sunod at sabay-sabay dumaing ng sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at pagsusuka matapos makainom ng nabili nilang choco shake sa canteen ng iskul.

Ayon sa report, agad namang nagresponde ang mga tauhan ng City Health Department sa pangunguna ni Dra. Verdades Linga, matapos nagsimula umanong isinugod ang mga estudyante dakong ala-una ng hapon ng Biyernes sa kanilang school clinic subalit dahil nagsunud-sunod na umano ang dami ng mga estudyante kung kaya’t dakong alas-tres ng hapon ay isinugod na ang mga ito sa magkahiwalay na ospital hanggang alas-nuwebe ng gabi subalit sa pinakahuling report ay halos nakauwi na rin sa kanilang mga bahay ang mga biktima.

Wala naman naiulat na nasawi sa mga nasabing estudyante at karamihan sa mga ito ay pawang mga nakauwi na rin sa kanilang mga bahay.