Una sa Balita

20 PULIS POSITIBO SA DROGA

By ,
0 2

Sa pagpapatuloy ng drug testing na isinasagawa ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito bilang bahagi ng kampanya kontra iligal na droga, natuklasan na 20 sa 22,237 pulis personnel sa buong bansa ang lumitaw na positibo sa droga.

Sa idinaos na press conference kahapon sa Camp Crame, iprinisinta ng PNP na base sa kanilang talaan, mula sa mga sumalang sa eksaminasyon, 20 kasapi ng pulisya ang nagpositibo at ang pinakamataas na may ranggo ay SPO4.

Sinabi ni PNP-Crime Laboratory chief, Chief Supt. Emmanuel Aranas, sa 20 pulis na nagpositibo sa drug test ay lima mula sa Luzon, ­anim sa Visayas at siyam naman mula sa Mindanao.

“As far as positive results are concerned, by now by hour ang dating ng data. Ngayon 10:10 ng morning, five tested posi­tive in Luzon, six in Visayas, and nine in Min­danao.

Ang ina-announce namin ay yung confirmed for drugs. Marami ang na-screen for confirmation,” pahayag pa ni Aranas.

Ayon naman kay PNP spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, binigyan na nila ng 15-araw ang mga pulis na nagpositibo sa drug test para idepensa at iprotesta ang naging resulta.

Inihayag ni Carlos na isasailalim pa ang mga ito sa confirmatory test at ang magiging resulta ng ikalawang pagsusuri ay ipadadala sa kanilang immediate superior.

Tiniyak ni Carlos na sa mga susunod pang mga araw ay lalabas pa ang resulta ng isinagawang drug test ng PNP sa lahat ng regional office sa buong bansa.