Una sa Balita

20 pamilya pinalikas dahil sa active fault line sa Kalinga

By
0 125

DAHIL positibo sa ‘active fault line’, pinalikas ng lokal na pahalaan ng bayan ang may 20 pamilya sa Pasil, Kalinga upang maiwasan ang anumang delubyo sa banta ng landslide.

Ayon kay Pasil Mayor Alfredo Malannag, Jr., ang nasabing active fault line ay base na rin sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Sinabi ni Malannag, ilang kaso ng pagguho ng lupa ang naitala sa ilang parte ng nasabing bayan partikular na sa Sitio Yogyog.

Ayon sa report ng Pasil Police Station (PPS), naaksidente pa umano ang dalawang information officer ng munisipyo nang magkaroon ng pagguho ng lupa sa gitna ng kanilang ocular inspection.

Sa pag-aaral ng MGB, may fault line sa ilalim ng naturang site kung saan gumuho ang lupa.

Pinatotohanan din ito ng ilang residente dahil nakakarinig daw sila ng tunog sa ilalim ng lupa bukod sa nararamdaman nila ang pagyanig nito.

Sa ngayon, pinag-utos ni Malannag na ikordon muna ng mga awtoridad ang lugar na kung saan nagkaroon ng pagguho dahil sa nasabing fault line.

Dahil dito, patuloy itong susuriin ng mga eksperto mula sa MGB ang natuklasang fault line.