Una sa Balita

20 OFW 3 araw ginutom ng PAL sa Saudi

By
0 1,437

Mahigit 20 overseas Filipino worker (OFW) ang tatlong araw na na-stranded sa King Fahd International Airport sa Dammam, Saudi Arabia mula Mayo 5 hanggang Mayo 7.

Ayon sa pasaherong si Richard Fulgosino Gaudan, nagpunta sila at iba pang mga OFW sa airport ng Mayo 5 para sumakay sa flight PR683 ng Philippine Airlines.

Una silang sinabihan na mahuhuli ang flight nila ng isang oras lamang pero naging tatlong oras at tatlumpung minuto hanggang sa sinabihan silang kanselado na ang flight at wala man lang abiso kung ano ang mangyayari sa kanila.

Binigyan sila ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Popeye’s food restaurant ng pagkain pangtawid gutom nang nakita ang sitwasyon nila.

Nang inireklamo ni Gaudan sa PAL ang pangyayari, sinabihan siyang hindi mabibigyan ng hotel accommodation ang mga walang re-entry visa at naka-final exit visa na dahil iyon umano ang regulasyon doon.

Sabi pa ng PAL sa kanya, “You are also offered food with hot drinks to make your stay at the airport less inconvenient.”

Sabi ni Gaudan, mabuti na lang at meron­ siyang toothbrush at toothpaste sa tatlong araw niyang paninirahan sa airport sa Dammam.

Kumot lang at paulit-ulit na pagkain na may matigas na cupcake ang ibinigay ng PAL sa kanya.

“Sana binigyan niyo kami ng unan para mas komportable kami sa pag-stay namin dito sa airport. Ultimo nga pagkain, delay. Eh, minsan, kulang pa ‘di sapat sa bilang namin,” dagdag ni Gaudan.

Ang tanong ng mga kaibigan ni Gaudan, may insurance ang PAL na dapat ginamit para sa gastusin sa nangyari sa kanila, kasama na ang accommodation.

Tinanong ng Abante si PAL spokesperson Cielo Villaluna tungkol sa pangyayari ngunit wala itong tugon.