Una sa Balita

2 tulak huli sa 15 kilong marijuana  

By
0 132

ARESTADO ang dalawan­g drug pusher at nakumpiskahan ng mahigit sa 15 kilo ng pinatuyong marijuana sa isinagawang drug operation ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon nang madaling-araw sa Quezon City.

Agad na dinala sa tanggapan ng RDEU-NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang suspek na nakilalang sina Francis Marie Nepomuceno, 28, at ang kasabwat nitong si Michael Gontinias­, nasa hustong gulang at kapwa naninirahan sa Balintawak, Quezon City.

Sa isinumiteng report ni Chief Inspector Ferdinand Mendoza, hepe  ng RDEU dakong ala-1:30 nang madaling-araw nang maaresto ang dala­wang suspek sa kanilang isinagawang buy-bust operation sa may Bonifacio Drive, Balintawak ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Mendoza, isa sa kanyang mga tauhan ang nagpanggap na buyer ng marijuana sa dalawang suspek ng halagang P5,000.

Nang aktong inabot ni Nepomuceno ang droga ay natunugan nitong pulis ang kanyang katransaksyon kaya’t agad nitong pinaharurot ang kanyang sasakyan. Nabangga pa nito ang sasakyan ng mga awtoridad nang magkaroon ng habulan sa kahabaan ng Mayon St. ng nasabing lungsod.  

Halos umabot ng 10 minuto ang habulan na naging resulta naman ang pagkakaaresto ng mga ito.

Ayon kay Mendoza, dalawang buwan nilang minanmanan  ang kilos at aktibidad ng mga suspek hanggang sa nagpositibo at agad silang nagsagawa ng buy-bust operation.

Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang mahigit sa 15 kilo ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng halos P300,000.