Una sa Balita

2 tulak bumulagta sa engkuwentro sa Tondo

By
0 157

BUMULAGTA ang da­lawang tulak ng shabu­ kung saan isa ay suspek sa pagpatay sa miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau makaraang manlaban sa magkakahiwalay na buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro kahapon nang madaling-araw sa Maynila.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director P/Chief Supt. Rolando Anduyan ang mga napatay na drug suspect na sina alyas ‘Ivan’ at ‘Dodong’, 45, ay kasama­ sa drug watchlist at suspek sa pagpatay sa MTPB personnel na si Tranquilino Buelga; at si Adrian Acuzar, nasa hustong gulang.

Batay sa ulat ng MPD-Moriones Police Station 2 (PS2), dakong alas-11:20 nang gabi kamakalawa nang magkasa ng buy-bust operation laban kay alyas ‘Ivan’ at ‘Dodong,’ ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET), sa pangunguna ni P/Senior Insp. Alfredo Tan, sa Gate 17, Parola Compound, Tondo.

Ang mga suspek ay may nakabinbing warrant­ of arrest sa kasong murder dahil sa pamamaril at pagpatay kay Buelga, 61, Officer-In-Charge (OIC) ng MTPB Task Force Parola, noong Abril, 18, 2018, sa loob mismo ng kanilang satellite office sa Parola Compound, Binondo.

Nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng shabu, isang kalibre .45 pistola na may mga bala, isang asul na sling bag at P200 marked money.

Dakong alas-12:30 nang madaling-araw nang mapatay ng mga tauhan ng MPD-Malate Police Station 9 si Acuzar sa isang buy-bust operation sa Arellano Avenue, Zapanta St., kanto ng Pag-asa St., sa Malate.

Nakahalata umano ang suspek na pulis ang ka-transaksiyon kaya’t nanlaban pero nabaril.

Nadala pa sa Ospital ng Maynila ang suspek, ngunit dead-on-arrival na ito.

Narekober mula sa kanya ang isang baril sa ‘di batid na kalibre, pitong paketeng shabu at P400 marked money.