Una sa Balita

2 timbog sa pagpatay ng Pinay nurse sa Canada

0 1,050

Naaaresto ng mga pulis sa Canada ang dalawang suspek sa pagpatay sa Filipina nurse sa Toronto noong nakaraang buwan.

Unang nadakip ng mga pulis si Yostin Murillo, 22-anyos, noong Hunyo 3 at agad na kinasuhan ng first degree murder sa pagpatay kay Rhoderie Estrada, nurse sa St. Joseph Health Center.

Ayon kay Detective Mike Carbonne, wala silang nakitang koneksyon o relasyon sa pagitan nina Estrada at Murillo.
Nitong Biyernes, naaresto naman ang ikalawang suspek na si David Beak, 23-anyos, at kinasuhan din ng first degree murder.

Si Estrada ay natagpuang patay sa kuwarto ng kanyang bahay sa Torrens Avenue, Toronto, madaling-araw ng Mayo 26, habang ang tatlo niyang anak ay mahimbing na natutulog sa kabilang kuwarto.

Ang unang nakakita kay Estrada ay ang asawa nitong si Gerald Acquintey na agad na tumawag sa 911 dakong alas-2:15 nang umaga noong Mayo 26. Duguan ang mukha ng biktima at namatay sa loob ng kuwarto.

Pinaniniwalaang dumaan sa side window ang dalawang suspek at pinasok ang kuwarto ni Estrada. Hindi pa matukoy ng mga pulis kung pinagplanuhan ang pagpatay sa biktima o natiyempuhan lang ito ng mga suspek.

Nailibing na si Estrada sa Toronto noong nakaraang linggo at dumalo lahat ng miyembro ng kanyang pamilya sa Canada. Naiwan niya ang dalawang kapatid na lalaki at isang babae.

Nag-migrate si Estrada at ang kanyang pamilya sa Toronto noong dekada 80 at nagtayo ng Filipino restaurant sa nasabing siyudad.