Una sa Balita

2 tiklo sa panghoholdap

By
0 14

Nahuli ng mga kapitbahay ang dalawang lalaki matapos manutok ng icepick at holdapin ang isang estudyante kamakalawa sa Marikina City.

Nakilala ang mga suspek na sina Renato Cleofas y Gonzaga Jr. at Richard Ponon y Silahis matapos madakip ng mga nakatambay na kalalakihan makaraang magsisigaw ng holdap ang biktima na nakilalang si Merlinda Aquino y Lozano, residente ng Malanday, Marikina City.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang 8:35 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Catherine St., Sta. Theresita Village, Barangay Malanday, Marikina City.

Naglalakad umano ang biktima nang harangin ng dalawang suspek na sakay ng bisikleta.

Ayon sa biktima, agad na bumaba ang isang suspek at tinutukan siya ng patalim at kinuha ang kanyang bag sabay alis.

Nagsisigaw naman ang biktima ng holdap na narinig naman ng mga nakaistambay na kapitbahay at nahabol naman ang suspek at dinala sa presinto.

Nabawi naman ang wallet na naglalaman ng P750 cash ng biktima.

Kulong ang suspek sa detention cell at nahaharap sa kasong robbery.