Una sa Balita

2 teenager na snatcher kalaboso

0 255

Magkasunod na naaresto ang dalawang menor de edad na snatcher nang magawa ng una nilang biniktimang Syrian national na banggain ang sinasakyan nilang motorsiklo habang papatakas sa pangalawa nilang biktimang Korean national, kamakalawa nang gabi sa Malate, Maynila.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek na sina ‘Bert’, 16-anyos at ‘Sonny’, 17.

Unang naaresto si Bert alas-10:00 nang gabi sa J. Bocobo corner Gen. Malvar Street, Malate matapos na magkasunod na biktimahin ang mga dayuhang sina Mohmad Aljaroc, 51, at Hwang Dooho, 21, at nanunuluyan sa Birch Tower J. Bocobo Street.

Una umanong biniktima ng mga suspek si Aljaroc sa Mabini kanto ng Salas Street sa Ermita, nang agawin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka, ang kanyang dalang IPhone XS Max na nagkakahalaga ng P85,000, at kaagad na tumakas patungo sa direksiyon ng Ermita.

Habang patakas sa lugar ay nakita pa ng dalawang suspek ang biktimang si Dooho at inagaw ang itim na leather wallet nito na may lamang P20,000 at mahahalagang dokumento.

Dito na sila nakita ni Aljaroc at binangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Sumemplang ang motorsiklo at nahulog ang mga suspek, saka mabilis na kumaripas ng takbo ang mga ito pero naaresto ng mga biktima si Bert at dinala sa presinto.

Sa ginawang follow-up operation naaresto si Sonny. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy