Una sa Balita

2 suspek sa murder sa konsehal, huli

By , ,
0 5

Dalawang suspek ang arestado kaugnay sa pagpatay kay Puerto Galera Councilor Melchor Arago at sa 15-taong gulang na anak nito na si Kenneth kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Oriental Mindoro Provincial Director Sr. Supt. Christopher Birung ang dalawa na sina Tirso Tito, 39, driver, at residente ng Bgy. Tambo, Lipa City at Rogelio Sto. Tomas, 47, construction worker, at residente ng Bgy. Bugtong, Lipa City.

Sakay ang dalawa ng isang van mula sa Bgy. Villaflor, Puerto Galera patungo sa Calapan City nang sila ay sitahin sa checkpoint sa Bgy. Pob­lacion, San Teodoro, Oriental Mindoro bago mag-ala-una kahapon ng madaling-araw.

Positibong itinuro ang dalawa ng isang testigo na nangongolekta ng bote at scrap metal malapit sa lugar ng krimen.

Matatandaang nasa loob ng kotse si Konsehal Melchor sa harap ng kanilang bahay sa Bgy. Tabinay sa Puerto Galera nang huminto ang dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo at kaagad itong pinaputukan.

Papatakas na sana ang mga suspects nang lumabas ng bahay ang anak nitong si Kenneth kaya’t ito ay pinaputukan din.