Una sa Balita

2 suspek sa binaril na lady piskal, dedo

0 343

NASAWI makaraan umanong makipagpa­litan ng putok sa pulis­ya ang dalawang­ tinuturong suspek sa pamamaril kay Fiscal Josephine Caranzo Oli­var sa Calapan City, Oriental Mindoro kahapon.

Kinilala ni P/Lt. Cor. Socrates Faltado, taga­pagsalita ng PNP-MIMAROPA, ang mga suspek na sina Robert Magboo, 23; at si Edefer Hindap Gran, 34, pawang mga residente ng Brgy. Guinobatan, Calapan City, Oriental Mindoro.

Batay sa pulisya, nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Calapan City Police Station at Oriental Mindoro SWAT Team sa mga suspek hanggang sa mara­ting nila ang Brgy. Sapul kung saan nandoon ang mga suspek.
Papalapit palang umano ang mga awtoridad nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek dahilan upang gumanti sila ng putok.

Dead on-the-spot ang mga suspek matapos magtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakipag-ugnayan na ang Crime Laboratory Office RCLO 4B sa Calapan City Police Office para sa pagproseso ng crime scene.

Samantala, inaalam na rin ng SOCO ang gina­mit na baril ng mga suspek kung tugma sa mga nakitang bala sa labas ng bahay ni Olivar kung saan ito binaril noong Hunyo 10.

Sa ngayon, patuloy na nagpapagaling sa ospital si Olivar na nagtamo ng bala sa katawan at daplis­ sa ulo. (Paul Jaysent Fos/Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy