Una sa Balita

2 speed boat pinasabog sa pier ng Masbate

By
0 87

Dalawang speed boat ng Philippine Army ang napinsala matapos itong pasabugin ng hindi pa kilalang grupo habang nakadaong ito sa pantalan ng Philippine Coast Guard (PCG) Bicol kahapon nang hatinggabi sa Masbate port sa Masbate City.

Ito na ang ikalawang pagsabog sa nasabing pantalan matapos ang una ng pagpapasabog dito noong Agosto 2 kung saan inilagay ang Improvised explosive device (IED) sa isang speed boat din ng PCG.

Ayon kay Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, dakong alas-12:30 nang hatinggabi nang makarinig ng malakas na pagsabog sa Masbate Port sakop ng Brgy. Bapor, Masbate City, ilang metro lang ang layo sa himpilan ng PCG Bicol.

Nawasak sa nasabing pagsabog ang 25-foot fiberglass rescue speedboat, gayundin ang 25-footer two stroke engine rescue speedboat ng 2nd Infantry Batta­lion ng Phi­lippine Army.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa nabatid na pagsabog habang patuloy na inaalam ng awtoridad kung sino ang responsable sa pgpapasabog.

Patuloy naman ang ginagawang pag-prose­so ng PNP Crime Laboratory Office sa crime scene habang inaalam pa kung anong klaseng bomba ang ginamit sa pagpapa­sabog. (Edwin Balasa)