Una sa Balita

2 pulis sugatan sa pagligtas sa mga guro

0 354

Sugatan ang dalawang pulis makaraang magi­ting silang nakipaglaban sa hindi pa batid na bilang ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na tumambang sa convoy ng mga guro ng Department of Education (DepEd) kahapon nang umaga sa Barangay Igasan, Patikul, Sulu.

Ligtas naman ang mga guro na nakadestino sa Eastern part ng Patikul, Sulu pero nagtamo ng tama sa kanyang kanang braso si P/Cpl. Angelo Canapi habang sugat naman sa ulo ang tinamo ni Patrolman Nijar Awwalon, pawang nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Sulu Police Provincial Office.
Naganap ang pana­nambang dakong alas-7:45 nang umaga habang nagsasagawa ng route security ang dalawang pulis sa mga guro nang tambangan sila ng mga miyembro ng ASG.

Bagama’t dehado ay buong giting na nakipag­palitan ng putok ang da­lawang pulis laban sa mga ASG na dahilan ng kanilang pagkasasugat.

Matapos makares­ponde ang mga kasamahan ay mabilis na nagsitakas ang mga ASG habang dinala naman ang dalawang biktima sa Sulu Provincial Hospital at kalaunan at inilipat sa tauma ward ng Kuta Heneral Teodulfo Bautista station hospital.

Ang ginawang pagtatanggol ng dalawang­ pulis sa mga guro ay kinilala naman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Ipinag-utos na rin kay PRO BARMM PBGen. Marni Marcos ang imbes­tigasyon hinggil sa insidente at ang paghabol sa mga ASG na responsable sa nasabing pananambang. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy