Una sa Balita

2 pulis-Pasay inaresto sa pangongotong

By
0 2,829

Hindi na nakapalag ang dalawang pulis-Pasay sa mga umarestong kabaro nito sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) matapos ireklamo ng mga driver ng pumapasadang van at bus na kanilang kinokotongan para lamang maka-pick up ng mga pasahero sa mga iligal na terminal sa Pasay City kamakalawa ng hapon.

Agad na binitbit ang dalawang pulis na nakilalang sina PO2 Jerry Adjani Jubail at PO1 Michael Mindevil Domalanta kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP)-7 ng Pasay City Police.

Base sa report, dakong alas-4:15 ng hapon nang maaktuhan ang dalawang pulis sa kahabaan ng M. Dela Cruz St., Malibay ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa im­bestigasyon, isang driver ng van na hindi na pina­ngalanan ang nagreklamo sa mga tauhan ng CITF hinggil sa pango­ngotong sa kanila ng da­lawang pulis sa nasabing lugar.

Base sa reklamo, kada araw umano kumokolekta ng P300 hanggang P500 pesos sa bawat driver ng bus at van ang dalawang pulis para payagang silang maka-pick-up ng mga pasahero sa mga illegal terminal sa kahabaan ng Malibay nang nasabing lungsod.

Dito na ikinasa ang entrapment operation ng mga tauhan ng CITF na kung saan naaktuhan ang dalawa na kinukuha ang P300 sa biktima na driver ng van ang pera.

Samantala ayon naman kay Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, hindi pa aniya niya nakakausap sina P01 Domalanta at P02 Jubail hinggil sa pagkakahuli sa kanila ng mga tauhan ng CITF.

Sa ngayon iniha­handa na ang kaukulang pagsampa ng kaso laban sa dalawang pulis sa Pasay City Prosecutor’s Office.