Una sa Balita

2 preso utak sa pagsunog kay Batangas ex-cong Mendoza

0 405

IDINETALYE ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Police Brig. Gen. Joel Napoleon Coronel ang pagpaplano diumano ng dalawang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) para patayin si dating Batangas 2nd District Representative Edgar Mendoza Sr. at dalawa nitong kasamahan ayon sa ulat ng opisyal.

Itinurong principal suspect si Sherwin Sanchez sa krimen, pinapatay umano nito si Mendoza kesa bayaran ang milyong utang niya dahil sa serbisyong legal ng dating kongresista at abogado rin.

Naging collateral naman sa krimen ang driver at bodyguard ni Mendoza na pinatay at sinunog din noong Enero 9, 2020.

Kuwento ni Coronel, si Mendoza ang abogado ni Sanchez sa kinaharap na kasong murder hanggang sa nasintensyahan noong 2015. Ito rin umano ang may-hawak sa financial transaction at real property ni Sanchez.

Dito na hiningi ni Sanchez ang tulong ng kanyang kasamang bilanggo na si Arthur Fajardo, ang kilalang leader ng Fajardo kidnap for ransom group, para sa mga puwedeng pumatay kay Mendoza para makaligtas ito sa utang.

Ang asawa ni Fajardo na si Jael ang siyang kumuha ng mga hired killer na pumatay sa dating kongresista.

Ang plano nina Fajardo at Sanchez ay papuntahin si Mendoza sa bahay ng mga Fajardo sa isang subdibisyon sa Calamba City dahil doon umano ito babayaran.

Ayon pa kay Coronel, kinuntsaba ni Jael Fajardo ang dalawang babaeng sina Kristine Fernandez at Madonna Palermo na siyang nagpainom ng kapeng nilagyan ng gamot pampatulog kay Mendoza at dalawa nitong kasama.

Matapos makatulog ang mga biktima ay saka sila pinagsasaksak at pinalo pa ng matigas na bagay ng isa pang suspek na si Rodel Mercado, pinsan ni Sanchez.

Doon na isinakay ng mga suspek ang bangkay ng mga biktima sa Honda Civic na kotse na pag-aari ni Mendoza at ibiniyahe patungo ng Tiaong, Quezon kung saan sinunog ng mga suspek ang kotse kasama ang bangkay ng mga biktima.

Napagtagpi-tagpi ang pangyayari sa pamamagitan umano ng mga text message ni Mendoza sa asawa nito at ang pagkakaalam na ang bahay ni Fajardo ang pinuntahan ng mga biktima.

Isa naman sa mga suspek na babae ang hindi na nakatiis at umamin sa kanilang ginawa ng sila ay isailalim sa interogasyon.

Inaresto ng pulisya sina Fernandez at Palermo at ang dalawa ang nagdamay kina Rodel Mercado, Carlo Acuna, at Erickson Balbastro.

Sina Acuna at Balbastro ang siyang nagbiyahe sa bangkay ng mga biktima sa Tiaong, Quezon, ang dalawa ang parehong naaresto habang si Mercado ay patuloy na pinaghahanap.

Sinampahan na ng kasong three counts of murder ng pulisya ang mga suspek na ngayon ay nakakulong sa CIDG detention cell sa Camp Crame. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More