Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

2 pharmally exec nakorner sa Davao

0 160

Masusi ngayong kakalkalin ng Senate blue ribbon committee ang mga dokumento patungkol sa private flight ng dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nagtangkang tumakas sa bansa noong Linggo ngunit maagap ding nakorner sa Davao City.

Sa liham na pinadala ng komite sa pangulo ng Global Aviation Corp. na may petsang Nobyembre 15, hiniling nito na humingi ng kopya ng flight request, manifest, contracts, kung sino ang nagbayad at lumagda ng dokumento para sa biyahe ng dalawang opisyal ng Pharmally.

Inaresto ng Senate security personnel sina Mohit at Twinkle Dargani sa Davao City Airport noong Linggo ng hapon ilang minuto bago lumipad ang sinasakyan nilang eroplano na sinasabing inarkila patungong Malaysia.

Batay sa liham, nakatakdang umalis ang eroplano sa Davao City airport noong Linggo ganap na alas-4:30 ng hapon at darating sa Kuala Lumpur, Malaysia alas-8:00 ng gabi.

Nasa kustodiya na ng Senado ang magkapatid na Dargani. Sila ang mga executive ng Pharmally na iniimbestigahan ng Senado dahil sa diumano’y iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng P8.68 bilyon halaga ng pandemic medical supply noong nagdaang taon.

Noong Oktubre 19, na-cited for contempt ang magkapatid na Daragani dahil sa pagtanggi nilang magsumite ng financial document na may kinalaman sa ginagawang pagdinig ng Senate blue ribbon committee. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.