Una sa Balita

2 OFW pinahiya ng OWWA

By
0 2,336

Nakaranas ng kahihiyan at trauma ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) matapos umanong ipagtabuyan habang humihingi ng tulong pinansiyal sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kamakalawa.

Halos maiyak sa sobrang kahihiyan sina Cecille Camaan Dunuan, tubong Baguio­, at Glenda Cajudoy, tubong Tarlac, kapwa nasa hustong gulang, at nagsilbing household service worker (HSW) sa Dubai, United Arab Emirates (UAE), nang pagsalitaan umano sila ng isang lalaking staff na kinilala lamang sa pangalang ‘Jun’, sa room 201 ng gusali ng OWWA sa Pasay City.

Batay sa sumbong ng dalawang OFW, nagpasya silang magtungo sa tanggapan ng OWWA upang humingi ng ayuda bitbit ang kanilang referral letter mula sa POLO-Dubai na nagsasabing may matatanggap na tulong mula sa gobyerno.

Dakong alas-10:00 nang umaga ay dumating sa OWWA ang dalawang Pinay kasama ang anim na iba pa para sa inaasahan sanang tulong at dumaan sa ilang proseso tulad ng registration at evaluation kung maari silang makapag-avail ng tulong sa ilalim ng Balik Pinay Program.

Dahil kinapos ng pera pauwi ng probinsiya, nagtungo sila sa Room 201 upang humiling sana ng kaun­ting pamasahe at pumunta sila sa mesa ng OWWA staff na si Jun.

Sinabihan umano sila ni Jun ng mga katagang “undocumented kayo tapos pupunta-punta kayo dito sa OWWA para hihingi lang nang pamasahe.”

Hindi pa umano nakuntento sa marami pang dahilan ni Jun, sinasabing kinuha nito ang papel nina Dulnuan at Cajudoy, nilukot at itinapon sa basura­han bago sinabing “wala na, lagpas na isang buwan papers.”

“Bakit, hindi pa ba kayo umuwi ng probinsiya, at wala kayong mga pera?” pahayag pa umano ni Jun sa dalawang Pinay na halos mangiyak at matunaw sa kahihiyan ang mga ito dahil may mga tao pa sa loob ng opisina.

Nabatid na duma­ting sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sina Dulnuan at Cajudoy nitong Agosto 22 at kinumpirmang wala silang natanggap na anumang cash assistance o ayuda mula sa gobyerno simula nang makauwi sila ng bansa.

Samantala, sinikap naman ng Abante na hingan ng pahayag ang tanggapan ng OWWA hinggil sa sumbong at mapait na dinanas nina Camaan at Cajudoy ngunit hindi ito nagbigay ng anumang pahayag. (Armida Rico)