Una sa Balita

2 NPA patay sa engkuwentro sa Negros Occidental

0 362

KAMATAYAN ang kinahantungan ng dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang naganap na engkuwentro kontra mga sundalo kahapon nang umaga sa Sitio Bugo, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental.

Base sa ulat na ipinadala ng 303rd Brigade na nakabase sa Camp Gerona, Murcia, Negros Occidental, nakaengkuwentro ng 62nd Infantry Battalion at 31st Division Reconnaissance Company ng Philippine Army ang tinatayang 15 miyembro ng NPA kahapon nang umaga sa nasabing barangay.

Tumagal ang engkuwentro ng halos 15 minuto hanggang sa umatras ang mga rebelde at iwanan nila ang dalawa nilang napatay na kasamahan.

Samantala, wala namang naiulat na napatay o nasugatan sa tropa ng gobyerno.

Nakakuha pa ang mga sundalo ng 45 rounds na bala ng M16 rifle, mga kable at ilang sangkap at materyales sa paggawa ng bomba gayundin ang mga subersibong dokumento ng samahan.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng sundalo sa posibleng paghabol sa mga tumakas na rebelde. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy