2 motorsiklo nagsalpukan

By

Magkakasunod na isinugod sa James L. Gordon Memorial Hospital ang tatlong kalalakihan na pawang mga nagtamo ng bali sa buto, sugat sa katawan at mukha matapos magsalpukan ang kani-kanilang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Rizal Avenue, Olongapo City.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Junji Saing at Michael Furlow na magkaangkas sa motorsiklo (Mios 40) na may plakang 8286 KZ samantalang ang isa pang biktima na driver ng Skydrive Suzuki Reg. No. 0301-0375917 ay hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan na nagtamo rin ng malubhang pinsala sa katawan.

Ayon sa mga nakasaksi, bandang alas-otso ng gabi, magkasunod na tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng Rizal Avenue patungong Magsaysay Avenue nang biglang mag-u-turn ang nasa unahang driver ng Suzuki Skydrive.

Pagsapit sa tapat ng Olongapo City National High School ay paparating umano ang magkaangkas na sina Saing at Furlow lulan ng Mios 40 at sumalpok sa Skydrive na pabalik sana ng Ulo ng Apo Rotonda.

SHARE