Una sa Balita

2 miyembro ng Dawla Islamiyah kalaboso

0 294

ARESTADO ng pulisya ang dalawang hinihinalang miyembro ng Dawla Islamiyah sa Salaam compound sa Tandang Sora, Quezon City.

Sa pahayag ni Phili­ppine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde, nadakip ang mga suspek na sina Arnel Cabintay at Feliciano Sulayao noong Sabado.

Nakuhanan ang mga ito ng mga blasting cap at granada, ayon pa sa pulisya.
Nabatid na kasama din ang dalawang suspek sa martial list at sinasabing malapit na tauhan ng Hatib Hadjaan Sawadjaan, ang supreme leader ng Dawla Islamiyah.

Sa isinagawang press briefing kahapon sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na patu­loy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon kung ano ang pakay ng mga suspek sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Alba­yalde, sumuporta ang dalawa sa Marawi Siege at tumakas na lamang noong natatalo na ang Maute group.

Naniniwala rin umano ang opisyal na sanay gumawa ng mga pampasabog ang mga suspek.

Samantala, tiniyak naman ni Albayalde ang kahandaan ng PNP sa darating na ikatlong State of the Nation Address at sinabing tinututukan nila ang lahat ng mga grupo na posibleng manggulo sa aktibidad kagaya na lamang ng mga grupo mula sa Mindanao.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong illegal possesion of explosives. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More