Una sa Balita

2 ‘malakas’ sa Pangulo, sinibak ni Duterte

By
Pangulong Rodrigo Duterte (Malacañan Photo Bureau)
0 9

Dalawang opisyal ng Malacañang ang inalis sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ‘influence peddling’ o pagyayabang umano na malakas sila sa Palasyo.

Sinabi ng Pangulo na nilagdaan na niya noong Huwebes ang pagtanggal sa dalawang opisyal subalit hindi pinangalanan ang mga ito.

Katwiran ng Presidente, ikinunsidera niya ang kahihiyang posibleng idulot sa mga anak ng dalawang opisyal lalo pa at professional na ang mga ito.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kinausap muna niya ang dalawang opisyal at pinagbitiw na lang sa puwesto matapos makarating sa kanya ang reklamong inaabuso ang kanilang impluwensiya.

“Una sabi ko walang corruption, and I am figh­ting it. I even fired today… I signed.. firing two people from Malacañang for ­using their influence. Kung ano-anong pinagsasabi sa labas na ‘malakas’.. I hate that. I have fired so many. Hindi ko na ina-announce po kasi, I said in fairness to the family.. ang iba kasi tapos na yang mga anak nila mga duktor na, may mga abugado mapahiya. Sabi ko mag-resign ka na lang, ayaw ko ng publicity, out of respeto sa mga anak na hindi naman kasali diyan;” ang pahayag ng Pangulo.

Ang dalawang hindi pinangalanang opisyal ang bagong nadagdag sa listahan ng mga opisyal at appointees na sinibak ni Pangulong Duterte dahil sa isyu ng katiwalian.