Una sa Balita

2 magpu-pulis na estudyante nang-snatch ng cp

By
0 1,210
Malabo nang maging pulis ang dalawang third year criminology students matapos madakip makaraang manghablot ng cellphone ng isang 15-anyos na dalagita kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila. 
 
Kinilala ni P/Chief Insp. Marlon Mallorca, ng Manila Police District Station 3, ang mga suspek na sina Jerickson Sajul, 20, at Helmer Caspe, 19, kapwa third year college student sa University of Manila at taga-Sta. Cruz, Maynila.
 
Sa reklamo ng biktimang si Gina, ‘di tunay na pangalan, kay PO1 Debbie Ann Respicio, ng MPD-PS 3, naganap umano ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa sa panulukan ng Legarda at Sta. Cruz, Maynila. 
 
Nag-aabang umano ng pampasaherong jeep ang biktima nang sumulpot ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo at hinablot ang Oppo cell phone nitong ­nagkakahalagang P7,000.
 
Kaagad namang nagtungo sa Barbosa Police Community Precinct ang biktima para magreklamo. 
 
Dalawang babae naman na nasa lugar ang nakakilala sa mga suspek at sa pamamagitan ng Facebook ay positibo itong kinilala ng biktima, na siya nilang ikinadakip.