Una sa Balita

2 magnanakaw ng motorsiklo kumasa sa checkpoint, todas

By
0 91

Bulagta ang dalawang motornapper matapos na manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 1 (MPD-PS1) nang tangkain silang parahin at sitahin dahil sa tinangay na motor sa isang babae kahapon nang madaling-araw sa may panulukan ng Road 10 at Scarborough, Tondo, Maynila.

Inilarawan ni SPO3 Charles John Duran, imbestigador ng MPD-Homicide Section, ang mga suspek na ang isa ay nasa edad 20-25, may taas 5’4”, may tattoo na ‘Everything for a reason’ sa dibdib at ‘Raul’ sa kanang braso, nakasuot ng maroon na short pants at berdeng T-shirt.

Habang ang isa naman ay nasa edad 25-30, may taas 5’4”-5’7”, nakasuot ng kulay dilaw na T-shirt at checkered na short pants.

Sa imbestigasyon, naganap umano ang enkuwentro sa nabanggit na lugar dakong alas-3:50 nang madaling-araw kung saan paparahin at sisitahin na ang dalawang suspek dahil sa tinangay nilang kulay puti at asul na Jaing Well 125 na pag-aari ng biktimang si Marhorie Munoz, 19, at taga-No. 1283 Tambunting St. Sta. Cruz, Maynila.

Bago ang enkuwentro nabatid na nagreklamo sa MPD-PS1 ang biktima dahil sa puwersahang inagaw sa kanya ng mga suspek ang kanyang motorsiklo dakong alas-3:20 nang madaling-araw sa may H. Lopez Blvd., Balut, Tondo.

Kaagad namang nagsagawa ng checpoint ang pulisya sa may R-10, Balut, Tondo at maya-maya pa ay namataan ang dalawang suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo na ang isa ay pag-aari ng biktima.

Nang matanaw ang police checkpoint nag-counter flow ang mga suspek dahilan para habulin sila ng mga pulis at nang malapit ng makorner ay nagpaputok ang mga suspek dahilan para gumanti ng mga putok dahilan ng para tamaan ang dalawang suspek.

Nisugod pa ang dalawa sa Tondo Medical Center pero idineklarang dead on arrival.