Una sa Balita

2 lolo, 2 pa timbog sa ‘batak’ at pagtutulak

By
0 970

Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station (MPD-PS) 11 ang apat na lalaki kabilang ang dala­wang lolo sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa nang hatinggabi sa Binondo, Maynila.

Kinilala ng MPD-PS 11, ang mga naaresto na sina Nicanor Vargas, 54-anyos, helper, residente ng 711 Delpan St., Binondo, Maynila; Reynaldo Vargas, 56, vendor, ng Delpan St., Binondo, Maynila; Louie Cabwang, 31, ng 485 Dan Dan St., Tondo, Maynila at Juan Carlo Mercado, 41, residente ng 302 Wagas St. corner Moriones St., Tondo.

Sinampahan na rin ng pulisya ng paglabag sa Sec. 5, 11, 12 at Sec. 15 ng RA 9165 na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid na dakong alas-11:30 ng hatinggabi nang maaresto ang mga suspek sa may Delpan St., kanto ng Penarubia St., Binondo, Maynila matapos magpanggap na poseur buyer ang isang operatiba ng MPD.

Bukod sa mga shabu, naaktuhan rin ang apat na ‘bumabatak’. Nakuha sa mga suspek ang 15 sachet ng shabu, tatlong aluminum foil, dalawang lighter at P300 marked money.

Ang apat ay nakade­tine sa MPD-PS 11.