Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

2 linggong Alert level 4 sa NCR ikasa – Dra Minguita

0 202

Itinutulak ni Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla ang pagdeklara ng Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) ng kahit dalawang linggo lamang upang masalba ang kalagayan ng health care workers dito.

Ipinaliwanag ni Padilla na bagaman malaking porsiyento ng populasyon ng Metro Manila ang bakunado na, mayroon pa rin aniyang kinakailangang ma-ospital.

“Bukod sa COVID, mayroon ding na-oospital dahil sa ibang sakit. Paano na ang ating health workers kung sila mismo ang magkasakit?” tanong ni Padilla.

“Walang saysay ang pagkakaroon ng maraming pasilidad kung walang mga healthcare workers na mag-aalaga sa mga pasiyente kasi ang daming naka-quarantine.” dagdag pa ng doktora.

Nagpahayag ng simpatiya si Padilla sa mga negosyong maaapektuhan sakaling mag-deklara ng Alert Level 4 sa NCR, ngunit maigi aniyang mag-deklara na ngayon habang pasimula pa lamang ang taon.

“Yung mga tao gumastos na nang malaki noong kapaskuhan, hindi na muna sila gagastos ng malaki sa pagpasok ng Enero,” paliwanag ni Padilla. “May economic loss, for sure, pero hindi gaano kalaki ang impact nito lalo na kung dalawang linggo lamang ang Alert Level 4.”

Ayon pa kay Padilla, maaaring amyendahan ng National Task Force Against COVID-19 at LGUs ang ilang probisyon sa Alert Level 4 hinggil sa pagsasara ng ilang establismyento upang luwagan ang ilan para sa mga fully vaccinated at may booster shots. Sa ganitong paraan aniya ay hindi magiging masyadong malaki ang epekto sa ekonomiya sakaling magkaroon uli ng lockdowns.

“Kailangan lang talagang maging strikto ang mga establishments sa pagpapatupad ng safety measures gaya ng magandang ventilation or pagdaan ng hangin, at pagpapakita ng vaccination cards,” diin ni Padilla.

Naniniwala si Padilla na ang Omicron variant na ang kumakalat sa NCR dahil sa dami ng nag-positibo sa COVID. Dagdag pa ng doktora na malamang bumaba uli ang mga kaso matapos ang tatlong linggo gaya ng nangyari sa South Africa.

“Lilipas din ito,” sabi ni Padilla. “Ngunit habang nandito ang surge na it, dapat maging responsible.”

“Umaapela lang tayo sa ating gobyerno na paigtingin pa ang vaccination efforts sa ibang lugar lalo na sa ating mga probinsyang para mas mabilis tayong maka-recover sa pandemya,” sabi ng doktora.

“Huwag na nating antayin na kumalat ang Omicron sa ating mga probinsya, lalo na sa mga nasalanta ng bagyong Odette kung saan wala pa ring kuryente at tubig ang mga lugar, at maraming kumakalat na ibang sakit. Baka hindi kakayanin ng kanilang mga ospital kung sakaling dumapo ang Omicron sa kanila ngayon,” dagdag ni Padilla.

Leave A Reply

Your email address will not be published.